Huwebes, Hunyo 25, 2009

Ang Ginarapal

ANG GINARAPAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

i.

may isang dilag na basal
ang ninakawan ng dangal

natagpuang hinihingal
takot na takot at pagal

katawan ay nangangatal
at siya pa'y nagduduwal

ii.

buong bayan ay nagimbal
lahat ay napatigagal

yaon namang mag-aaral
na kasuyo niyang mahal

ay napoot sa karibal
sa gawang karumal-dumal

iii.

sa isip ng mag-aaral
di napagtanggol ang mahal

kung siya na'y nagpakasal
ay di sana ginarapal

ang kaylaon nang minahal
ngunit siya ay kaybagal

iv.

pasiya ng mag-aaral
ipaghiganti ang mahal

at ang may sala'y masakal
ay, hinasa na ang punyal

nasang buhay ay mapigtal
ng nanggahasang karibal

v.

sa gawa nilang garapal
at sa mga krimeng brutal

ay di sapat ang pagbuntal
o paglatigo sa hangal

dapat ibigay na aral
ay ipiit ang pusakal

vi.

ang balita'y parang ritwal
naulit ang gawang hangal

hustisya sana'y iluwal
at bigla'y aking nausal:

sana'y di magpatiwakal
ang dilag na minamahal

Walang komento: