PERA PALA'Y NAKAPAGPAPATALAS NG MEMORYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
pera daw ay nakapagpapatalas ng memorya
kayrami mong kaibigan pag marami kang pera
ngunit pag naghirap, lalayuan ka ng barkada
ang turing sa iyo'y tila di ka na kakilala
ganyan bang sadya ang buhay ng tao sa daigdig
lahat yata'y kilala ka pag kabig ka ng kabig
saanmang larangan, sila'y iyong kakapitbisig
parang lahat karamay mo, puso mo'y maaantig
ngunit di ka na maalala pag ikaw'y naghirap
lapitan mo sila't sila'y tila tsonggong kay-ilap
tila ba may ketong kang ayaw nilang makaharap
doon mo mawawatasang kayraming mapagpanggap
at masisisi mo ba kung ang sistema'y ganito
nawawala na sa kapwa ang pagpapakatao
kaya sa bawat hakbang, tingnan ang lalakaran mo
baka may mukhang salaping nakatitig sa iyo