Martes, Pebrero 1, 2022

Wala nang libreng sakay

WALA NANG LIBRENG SAKAY

ang libreng sakay sa bus carousel ay natapos na
mabuti't patakarang iyon ay naabutan pa
noon ngang Nobyembre't Disyembre'y nalibreng talaga
nang matapos iyon, sa pasahe'y magbabayad ka

walang problemang magbayad at may ibibigay
na salaping laan doon ang mga mananakay
gayunman ay malaking tulong na ang libreng sakay
upang sa pandemya'y maibsan ang problemang tunay

nagluwag na nga ba kaya libreng sakay na'y wala
at nagsipasok na sa trabaho ang manggagawa
hanggang "no vaccination, no ride" ang umiral na nga
kung wala nito'y di makasakay, nakatunganga

noong Enero'y dumukot na ng pamasahe
na bahagi na ng pang-araw-araw na diskarte
na bagamat sa bus carousel ay wala nang libre
ay patuloy ang buhay, naroon man o narine

datapwat mahalaga, pamasahe'y di mabigat
upang may nakalaan sa pagkain, di man sapat
habang dito'y nagninilay, sa diwa'y di mapuknat
sa libreng sakay noon, paabot ko'y pasalamat

- gregoriovbituinjr.
02.01.2022

* litratong kuha ng makatang gala habang nakasakay sa bus carousel

Paghihintay

PAGHIHINTAY

umuwi muna si misis sa kanilang probinsya
lumiban sa pinagtatrabahuhang opisina
upang gawin doon ang ilang gawang mahalaga
asikasuhin ang papeles na dapat makuha

noong Biyernes pa umalis at ngayon na'y Martes
at nami-miss ko na agad ang presensya ni misis
bagamat may trabaho rin ako rito'y magtiis
ah, paghagod niya sa aking puso'y nakaka-miss

sa kapatid at pamangkin siya muna'y dumalaw
paparating na siya bukas ng madaling araw
iyan ang sabi niya, huwag lang akong bibitaw
sa aming sumpaang di matinag at di magalaw

habang patuloy sa pagkatha ng tula't sanaysay
na pawang mga tungkulin ko habang naghihintay

- gregoriovbituinjr.
02.01.2022

No vaccination card, no ride

NO VACCINATION, NO RIDE

kung di ka raw bakunado'y di ka makasasakay
tulad sa paskil sa dyip kahit naghahanapbuhay
kayhirap namang sapilitan ang bakunang bigay
ngunit walang magawa kundi sumunod kang tunay

noong ako'y mag-first dose, ilang araw lang ay nanghina
malakas kong katawan ay nagka-COVID na bigla
apat na buwan matapos, second dose ay ginawa
upang matapos na't kumpleto ang bakunang sadya

upang di raw magkahawaan, ito'y sapilitan
kayrami mong karapatang sadyang naapektuhan
di ka makalabas kaya aking napagpasyahan
sumakay sa dyip at sumakay sa pamahalaan

kaya vaccination card ang pases kong makalabas
ng bahay at makapunta sa kung saan may atas
ang pinagtatrabahuhan kong may layuning patas
sa people's org. na hangarin ay lipunang parehas

ipakita ang vaccination card tulad ng I.D.
sa pagsakay sa dyip, sa bus carousel, sa L.R.T.
sa pagpasok sa mall, botika, grocery, palengke
kung wala nito'y paano ka kaya didiskarte

upang di dumanas ng gutom ang iyong pamilya
kung wala nito'y di makakapasok sa pabrika
apektado ang hanapbuhay, paano kumita
vaccination card sa panahong ito'y mahalaga

- gregoriovbituinjr.
02.01.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa loob ng sinakyan niyang dyip