Miyerkules, Disyembre 11, 2013

Nagliparang bubong

NAGLIPARANG BUBONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayraming walang bubong na mga tahanan
pagkat nilipad ng unos kung saan-saan
nawa'y walang sinumang taong natamaan
nang sugat ng siphayo'y di na madagdagan

kaylakas ng ihip kaya atip ay tangay
na nagdulot sa tahanan ng dusa't lumbay
saksi yaong bubong sa laksang luha't lamay
at lupit ni Yolandang sa bayan lumuray

* ang litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa mga nadaanang nasalanta ng Yolanda sa Leyte


Mga posteng itinumba ni Yolanda

MGA POSTENG ITINUMBA NI YOLANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sadyang kaytindi at kaylakas ng ihip ng hangin
ni Yolandang humaginit sa Taclobang lupain

nawalan ng kuryente, walang load, walang internet
apektado pati telepono't iba pang gadget

kaya paghingi ng saklolo't talagang kayhirap
sa butas pa ng karayom dadaan ang paglingap

kung walang kandila o sulo'y kaydilim ng gabi
karimlang di batid sinong gumagala sa tabi

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 2-3, 2013 sa mga nadaanang nasalanta ng Yolanda sa Leyte



Paghahanda sa People's Caravan patungong Leyte

PAGHAHANDA SA PEOPLE'S CARAVAN PATUNGONG LEYTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

umagang-umaga ng unang araw ng Disyembre
nang kami'y naghandang maglakbay patungo sa Leyte

sa Caritas, Maynila'y gumayak kaming lilisan
nilagyan ng tarp ng People's Caravan ang sasakyan

dala ang relief goods sa isang van at dalawang trak
mahaba-habang lakbayin ang aming itatahak

upang dinggin ang hinaing ng mga nasalanta
tubig, pagkain, damit, kumot, kalan, pati delata

upang maibsan bahagya man ang kalunos-lunos
nilang sinapit dahil sa napakatinding unos

nawa'y maluwalhati naman kaming makarating
doon sa Taclobang sentro ng Yolandang humaging

* humaging - humaginit

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 1, 2013 sa Caritas sa Maynila








Sa barko mula Matnog hanggang Allen

SA BARKO MULA MATNOG HANGGANG ALLEN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

umaga'y lumisan, gabi'y dumatal sa pantalan
sa Matnog, kayhaba ng pila ng mga sasakyan
mga kasama'y naghuntahan habang nag-aabang
sabik subalit dama sa puso'y kayraming patlang

madaling araw, dalawang trak at van na'y sumakay
barkong patungong Allen ay naghanda nang maglakbay
kain, toma, pahinga hanggang magbukangliwayway
sarili'y inihanda sa mga daratnang lumbay

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 2, 2013 bilang bahagi ng People's Caravan for the People of Samar and Leyte na nasalanta ng matinding bagyong Yolanda











Mga punong nabunot ang ugat

MGA PUNONG NABUNOT ANG UGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

aming nadaanan, puno / ng niyog ay nagbagsakan
mga ugat ay nahugot / sa pader biglang dumagan
anong lakas ni Yolandang / rumagasa na sa bayan
na di na rin nakayanan / ng taal na kalikasan

kahit na sampung tao'y di / basta-basta mahuhugot
ang mga punong matatag, / ugat ay masalimuot
na para lamang tumapik / ng ulo mong nagkakamot
ang mga punong nahugot / ay tila punong napugot

habang aking minamasdan / ang kabuuang paligid
mga nahugot na puno'y / tila buhay na napatid
napansin ko sa kasama / luha niya'y nangingilid
ang sinumang di iiyak / ay yaong may pusong manhid

pag nabunutan ng ugat, / namamatay din ang puno
tulad ng ibang nilikha, / buhay din nila'y naglaho
* ang litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013