Martes, Pebrero 17, 2026

Pinuntahang dalawang burol sa loob ng tatlong araw

PINUNTAHANG DALAWANG BUROL SA LOOB NG TATLONG ARAW
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Linggo, Pebrero 15, 2026, pinuntahan ko ang burol ng aking tiyahin kaya madaling araw pa lang ay nagbiyahe na ako mula Cubao, Quezon City patungong Nasugbu, Batangas. Nakarating ako roon ng bandang ikapito ng umaga. Ikasampu ng umaga ay bumiyahe na kami patungong bayan ng Calaca.

Dumating kami pasado alas-dose ng tanghali. Matapos misahan sa simbahan ng San Raphael ng alauna ng hapon ay inilibing na ang Tiya katabi ng puntod ng aking ama, ng dalawa pang tiya, at ng aking mamay (lolo) at inang (lola). Si Tiya Oreng ang tumanggap ng tapis sa ikalawang kasal namin ni misis sa katutubong Igorot na ritwal (July 6, 2018). Kinabukasan naman ang ikatlong kasal sa simbahan (July 7, 2018, na itinaon namin sa anibersaryo ng Katipunan).

Martes, Pebrero 17, 2026, pinuntahan ko naman ang burol ng asawa ng aking pinsang buo sa Taytay, Rizal. Umalis ako ng Cubao bandang ikalawa ng hapon at dumating roon ng ikaapat ng hapon. Malaking tulong ang waze upang makarating sa bahay ng namatay na Kuya, at mula highway ay nilakad ko lang dahil ayon sa waze ay 600 meter lang. Hindi na ako nag-tricycle. Inagahan ko ang punta dahil sa maraming gawain at di na makakadalo sa libing ng Huwabes, Pebrero 19.

Walumpu't pitong taong gulang si Tiya Oreng habang pitumpung taong gulang naman si Kuya Francis.

Minsan, pag may patay na lang nagkikita-kita ang magkakamag-anak. Kwentuhan. Minsan, may tagay, pasimple. Ang mahalaga'y ang pagkikita at pagbibigay galang sa namayapang kamag-anak.

KAMATAYAN

sadyang malungkot mawalan ng minamahal
subalit paano tatanggapin ang ganyan?
tulad ni misis na sa akin nang mawalay
ay apatnapu't isang taong gulang lamang

paano tatanggapin? masasagot ko ba?
kung sugat ba nang pagkawala'y naghilom na?
marahil, di ko ito masasagot basta
anila, buhay ay mahiwagang talaga

may mga isinisilang, may namamatay
may nagsasabing ganyan talaga ang buhay
sila'y naroon na sa mapagpalayang kamay
nang sabi'y Dakilang Manggagawa ngang tunay

02.17.2026

Tulog na ng alas-siyete ng gabi

TULOG NA NG ALAS-SIYETE NG GABI

madalas, tulog na ng alas-siyete ng gabi
kailangan nang magpahinga, di tulad ng dati
nang bata pa'y ginagabing nakatambay sa kalye
ngayon nakikipagpingkian na sa guniguni

tulog na ng alas-siyete ng gabi sa papag
ipapahinga ang patang katawan sa magdamag
ngunit madaling araw gising na't napapapitlag
upang magnilay-nilay at magsulat, magpahayag

gising na ang diwa habang karimlan pa'y pusikit
nais ibangon ang katawan kahit nakapikit
sa mga taludtod at saknong na'y may hinihirit
gawa'y patibong sa akdang kalaban ng malupit

kay-agang matulog ngunit kay-aga ring bumangon
upang kunin ang talinghaga sa loob ng balon
at ngangatain upang tuluyan itong malulon
habang iginuguhit sa palad ang mga alon

- gregoriovbituinjr.

Kung wala sa lansangan ay nasa aklatan

KUNG WALA SA LANSANGAN AY NASA AKLATAN

kung wala sa lansangan ay nasa aklatan
nasa loob ng daigdig ng panitikan
ay, naroon muli ako sa aking mundo
nagninilay, naghahabi ng kuro-kuro

kayraming dapat saliksikin at isulat
laksa ang isyung iniatang sa balikat
bilang tibak, bilang isang makatang taring
katha ng katha, wala man sa toreng garing

madalas lakbayin ang malayong daigdig
ng mga nimpa't diwatang kaibig-ibig
bilang kabalyerong tangan ang kris at pluma
habang nagpapatuloy sa pakikibaka

pag naalimpungatan sa mahabang tulog
ay isusulat agad ang pumaimbulog
sa diwa't isasalaysay yaong nangyari
at bawat katha sa bayan ay pagsisilbi

- gregoriovbituinjr.
02.17.2026

Kapanatagan o dalamhati?

KAPANATAGAN O DALAMHATI?

madalas daw akong nakikitang tahimik
nakatanaw sa kawalan, di humihibik
may nararamdaman kayang nakasasabik?
panatag ba ang pusò kaya walang imik?

ah, di nila batid kung di ako kilala
o di naman talaga kami nagkasama
loob ko ba'y panatag nang makita nila?
kapanatagan na ba dahil tahimik ka?

sa mga nakakakilala, dalamhati
yaring nadarama, kaya tahimik lagi
baka di pa mahabang panahon ang susi
upang kapanatagan ay damhing masidhi

tahimik at di nagsasalitâ, tulalâ
di iyan kapanatagan ng puso't diwà
bagamat sa rali madalas magsalitâ
sa isyu'y nagningitngit, puso'y lumuluhà

- gregoriovbituinjr.
02.17.2026