Sabado, Mayo 1, 2021

Tula sa Araw ng Paggawa 2021

TULA SA ARAW NG PAGGAWA 2021

ako'y kaisa't kasama sa panawagang ito
di lang patalsikin ang rehimen kundi ang loko
di lang basta loko, kundi bu-ang at siraulo
na pulos pamamaslang ang naidulot sa tao

wala ring paggalang sa kapwa, tingin ay ignorante
ang mga organisador ng community pantry
dapat lamang patalsikin ang rehimeng Dutete
tingin ng masa'y di na niya kaya, walang silbi

subalit tingin ko ang masa'y nagpapasensya lang
sa pangulong ama ng tokhang, pagpatay, pagpaslang
lalo't kung anu-anong sinasabi, parang bu-ang
pati nga community pantry'y di na iginalang

kayraming pinangako, umasa ang masa noon
lalabanan daw ang Tsina, bago pa mag-eleksyon
sa unang taon, tanggal daw ang kontraktwalisasyon
ngunit kapitalista pala'y kanyang panginoon

ilang libo ang pinaslang, unang taon ginawa
anang ulat, napatay pa'y higit sandaang bata
kinaibigan ang Tsina kaya walang magawa
kahit inaagaw na ang teritoryo ng bansa

kaya panawagan ng manggagawa'y tama lamang
na sinigaw sa Araw ng Paggawang Daigdigan
patalsikin ang pangulong walang paninindigan
itayo ang gobyerno ng obrero't sambayanan

- gregoriovbituinjr.

Ka Kokoy, lider-maralita

KA KOKOY, LIDER-MARALITA

mabuhay ka, pangulong Kokoy, tagapagsalita
sa maraming okasyon sa isyu ng mga dukha
masipag at magaling na lider ng maralita
tunay na kasama, kaagapay, kaisang diwa

naging pangulo rin siya ng kanilang palengke
nakilalang sa bayan ay tunay na nagsisilbi
mga isyu't kahilingan ng dukha'y sinasabi
bakasakaling dinggin ng gobyernong tila bingi

siya ang bise nang ang dating pangulo'y mamatay
at nakita namin kung paano siya nagsikhay
upang sumigla ang organisasyong nananamlay
na sadyang gumana sa pamununo niya't gabay

isang pagpupugay sa aming pambansang pangulo
Ka Kokoy, kami'y nagpapasalamat ngang totoo
huwag bibitiw, pagkat maraming laban pa tayo
atin pang itatayo ang lipunan ng obrero

- gregoriovbituinjr.

* Si Ka Kokoy ang pambansang pangulo ng KPML, kuha ng makatang gala sa Araw ng Paggawa, 05.01.2021

Ka Vicky, lider-maralita

KA VICKY, LIDER-MARALITA

maraming salamat po, Ka Vicky, kasamang tunay
ikalawang sekretaryo heneral, aming gabay
dahil tunay kang masipag at laging nagsisikhay
upang sa bawat pagkilos, matiyak ang tagumpay

tulad na lang ng mataas na presyo ng kuryente
na sa kamahalan, ang masa'y nanggagalaiti
pati isyu ng klima na di dapat isantabi
ay talagang aktibo't sa bayan nga'y nagsisilbi

mabuhay ka at ang iyong mga tindig sa isyu
ng manggagawa't maralita dahil sa prinsipyo
isa kang lider-maralitang talagang totoo
na ipinaglalaban ang karapatang pantao

pinanday ng panahon, di umuurong sa laban
at ipinagtatanggol ang hustisyang panlipunan
Ka Vicky, daang pinili mo'y masalimuot man
maraming salamat, kasangga ka sa bawat laban

- gregoriovbituinjr.

* Si Ka Vicky ang deputy secgen ng KPML, kuha ng makatang gala sa Araw ng Paggawa, 05.01.2021

Kumain muna bago dumalo sa rali

KUMAIN MUNA BAGO DUMALO SA RALI

dapat kumain muna bago magtungo sa rali
baka gutumin doon, tiyak di mapapakali
isipin mo rin ang laman ng tiyan at sarili
kapag sa mahaba-habang pagkilos ay kasali

lalo't may pandemya, isipin mo ang kalusugan
di lang ng kapwa, kundi ng iyong pangangatawan
huwag basta aalis kung tiyan ay walang laman
mahirap magutom, baka bumagsak kang tuluyan

kumain muna bago dumalo sa Mayo Uno
kain tayo, pasensya na't tuyo lang ang ulam ko
pantawid gutom, kaysa wala, mabuti na ito
nang kahit paano'y may lakas sakaling tumakbo

tara, kain tayo, sarili'y huwag kalimutan
alagaan lagi ang katawan at kalusugan
Daigdigang Araw ng Paggawa ang dadaluhan
kaya dapat matibay ka sa init ng lansangan

- gregoriovbituinjr.05.01.2021

Ang uno per uno pala'y di one inch pag sa kahoy

ANG UNO PER UNO PALA'Y DI ONE INCH PAG SA KAHOY

binili'y uno per unong kahoy para sa banner
subalit natanto naming kami'y nadayang pilit
one inch pala'y di uno pag ginamitan ng ruler
sinukat namin, lima sa walong guhit o five eighth

oo, ang one inch ay di uno kundi five eighth lamang
sinukat pati dating kahoy, ganito rin naman
ang akala naming one inch, sa sukat pala'y kulang
dapat talagang usisain bakit ito'y ganyan

ah, kayhirap kasing ang nadarama mo'y nadaya
kulang sa sukat ang kahoy na biniling talaga
mahirap ngang sa sarili'y nariyang nagdududa
at sa bagay na di alam ay baka magprotesta

hinay-hinay lang, puso mo, iya'y masasagot din
kung magtatanong lang muna't ito ang unang gawin

- gregoriovbituinjr.