Biyernes, Oktubre 18, 2024

Ang dalawa kong aklat ni Apolonio Bayani Chua

ANG DALAWA KONG AKLAT NI APOLONIO BAYANI CHUA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakilala ko si Ginoong Apolonio Bayani Chua, o Apo Chua, sa grupong Teatro Pabrika, isa sa mga grupo ng mang-aawit ng pawang mga nawalan ng trabaho sa pabrika, na bahagi rin ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Siya ang adviser ng mga iyon. Si Apo ay isa ring guro sa UP Diliman.

Nakatutuwa na nagkaroon ako ng dalawa niyang aklat.

Ang una'y ang SIMULAIN: Dulambayan ng Manggagawa sa Konteksto ng Militanteng Kilusang Unyonismo (1980-1994). May sukat ang aklat na 9" x 6" at naglalaman ng 326 pahina (kung saan 16 dito ay naka-Roman numeral).

Ang aklat na ito'y ibinigay sa akin ni Apo Chua noong Hulyo 21, 2009, kasabay ng paglulunsad ng 12 aklat ng 12 manunulat ng UP Press na ginanap sa UP Vargas Museum. Ang aktibidad ay pinamagatang "Paglulunsad 2009: Unang Yugto."

Sa ikalawang aklat naman, isa siya sa mga patnugot ng "Mga Luwa at iba pang Tula ni Jose A. Badillo". May sukat din itong 9" x 6" at naglalaman ng 390 pahina (kung saan 30 dito ay naka-Roman numeral).

Ang aklat na ito'y natsambahan ko sa booth ng UP Press sa ikatlo't huling araw ng 25th Philippine Academic Book Fair na inilunsad sa Megatrade Hall I, SM Megamall sa Lungsod ng Mandaluyong noong Hunyo 7, 2024. Nabili ko ito sa halagang P100, kasama ang iba pang pampanitikang aklat na may presyong P30 at P59.

Ilang buwan na o taon ang nakararaan nang mabanggit sa akin ni Ka Apo ang tungkol sa nasaliksik ngang mga tula ni Jose A. Badillo sa Taal, Batangas. Aniya, may mga makata rin pala sa Batangas. Matagal na pala iyon at ngayon ay nalathala na bilang aklat, at natsambahan kong mabili iyon sa booth ng UP Press. 

Isa ang makatang si Jose Atienza Badillo (1917-1986) sa dapat kilalanin at bigyang parangal ng lalawigan ng Batangas bilang makata ng bayan, tulad ni Francisco Balagtas sa bayan ng Bulacan.

Ang kanyang mga sinulat na Luwa ay hinggil sa patulang tradisyon sa Batangas, sa lalawigan ng aking ama, na binibigkas pag may pista sa nayon, at madalas ay sa tapat ng tuklong (kapilya) iyon binibigkas ng isang binibini matapos iparada sa buong baryo ang Patron. Ang Luwa ay mga tula hinggil sa Patron ng nasabing lugar o nayon. Kaya pag nakakauwi ako ng Balayan, lalo pag pista ng Mayo sa nayon, ay sumasabay na kami sa prusisyon hanggang dulo ng nayon at pabalik muli sa tuklong upang makinig sa mga naglu-Luwa.

Kaya magandang saliksik ang dalawang nasabing aklat, ang dulamnbayan at ang Luwa, na dapat magkaroon din nito ang mga manggagawa, pati na yaong nakasaksi na sa Luwa, at mabigyan o mabentahan ang mga paaralan, at iba't ibang aklatan.

Huli kaming nagkita ni Ka Apo nang siya'y ginawaran bilang Pambansang Alagad ni Balagtas nang dumalo ako sa 50th Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) National Writers Congress at Ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Inilunsad ito sa Gimenez Gallery ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon ng Abril 27, 2024, araw ng Sabado. Siyam silang tumanggap ng pagkilala bilang Pambansang Alagad ni Balagtas ng taon 2024.

Isang karangalan sa akin na makilala si Ka Apo, at magkaroon ng kanyang mga aklat.

ANG DALAWA KONG AKLAT NI KA APO CHUA

ang una kong aklat na sinulat ni Apo
ay tungkol sa dulambayan ng manggagawa
mula militanteng kilusang unyonismo
na nagsaliksik ay talagang kaytiyaga

ikalawa'y hinggil sa Luwa ng Batangas
na napanood ko't nasaksihan na noon
mga patula sa Patron at binibigkas
sa kapistahan ng barangay o ng nayon

nakilala natin ang makatang Badillo
na sinilang at tubo sa bayan ng Taal
tulad din ng awtor na Domingo Landicho
si Jose Badillo sa Taal din ay dangal

mga aklat ni Apo ay pananaliksik
sa dulambayan at sa Luwa ng probinsya
na mahihinuha mong sadyang masigasig
pagkat nasulat na detalye'y mahalaga

Ka Apo, sa mga saliksik mo'y salamat
lalo sa mga naganap na dulambayan
at mga tula ni Badillo'y nahalungkat
salamat sa binahagi mong kaalaman

10.18.2024

* unang litrato ang dalawa kong aklat ni Ka Apo Chua
* ikalawang litrato naman ay kuha nang ginawaran siya bilang Pambansang Alagad ni Balagtas, katabi ni Ka Apo ang inyong lingkod

Pagsusulit - salin ng tula ni Sheikha Hlewa

PAGSUSULIT
Tula ni Sheikha Hlewa
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Napakahuli na ng mga aralin ng aking ina.
Matapos lahat ng dinanas namin - 
binibilang niya ang mga taon
sa tapat na pagsang-ayon sa Nakba
at ang mga binilang ko habang kagat ang aking dila -
ginigiit niyang maturuan ako, 
salita sa salita, nang agad-agad.
Wala siyang pagsasaalang-alang 
sa patuloy kong pagkataranta
o sa pagitan ng mga taon namin,
sa urbanidad na nagpaamo sa pagiging lagalag ko
at nagpakislap sa mga gilid ng aking wika.
Inuulit niya ang mga aralin nang may kalupitan
ng isang gurong naantala ang pagreretiro.
Hinahanap niya ang kanyang patpat 
sa ilalim ng kanyang bisig,
na hindi mahanap,
kaya hinampas niya ang mesang kahoy.
Isinusumpa ko ang sinumang lalaking 
magpapaiyak sa iyo, naiintindihan mo?
at walang batingaw na sasagip sa akin
bago ang pagsusulit.

- sa Haifa

10.18.2024

* Si Sheikha Hlewa ay isang Palestinong manunulat na isinilang sa Dhayl 'Araj, isang hindi kilalang nayon ng Bedouin malapit sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng maiikling kwento at isang kalipunan ng mga tula, na naisalin na sa maraming wika. Siya'y babaeng nagtuturo ng Peminismong Arabo sa Unibersidad ng Ben-Gurion.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Walang plataporma

WALANG PLATAPORMA

walang plata, pulos porma lang pala
ang tatakbong Senador na artista
na batay sa panayam ni Gretchen Ho
sa isang artistang kumandidato

pag nanalo na, saka iisipin
ang plataporma niyang nais gawin
sa ngayon daw ang kanyang tututukan
paano muna manalo'y pokusan

madali na iyon, sikat na siya
tulad nina Robin at Bong Revilla
ngalang Wille Revillame nga ngayon
ay talagang sikat sa telebisyon

subalit siya kaya'y epektibo
sa Senado o isa lang payaso
anong tingin sa isyung manggagawa
o dahil walang plataporma'y wala

paano kaya pag nakadebate
ni Willie sa isyu si Ka Leody
ano kayang masasabi ni Ka Luke
at ng masang sa kanila'y tututok

pag sila'y wagi ni Philip Salvador
na kagaya niya'y isa ring aktor
ika doon sa ulat ni Gretchen Ho
tunay ngang mas showbiz na ang Senado

- gregoriovbituinjr.
10.18.2024

* batay sa ulat sa pahayagang Pang-Masa, Oktubre 16, 2024, p.5

Pamatid-gutom

PAMATID-GUTOM

muli, ang inulam ko'y ginisang sardinas
niluto lang dahil ayoko nang lumabas
basta katabi itong mga diksyunaryo
at mga nakapilang babasahing libro

bagamat lata ng sardinas ay kilala
bilang inuulam ng mga nasalanta
halimbawa, nasunugan at nabahaan
pinamimigay ay sardinas at noodles man

pang-evacuation center lang daw ang ganito
subalit huwag mong mamaliitin ito
sapagkat ilang ulit akong nakaraos
upang ako'y magpatuloy pa ring kumilos

di naman madalas, minsan ulam ko'y daing
kaya ibang ulam ay di na hahanapin
tulad ng sardinas, ito pa rin ay isda
ayos lang, basta mabusog at makatula

- gregoriovbituinjr.
10.18.2024

Kasaysayan ng isang manunulat

KASAYSAYAN NG ISANG MANUNULAT

nang ako'y nasa kolehiyo pa
ang aking sarili'y natagpuan
nakatunganga sa opisina
ng pahayagang pampaaralan

sapagkat may patalastas doon
na kailangan ng manunulat
pagsusulit ay ipasa roon
at nakapasok nga akong sukat

nang artikulo ko'y malathala
sa Enero ng aming magasin
iyon na talaga ang simula
upang pagsulat ko'y pagbutihin

naging adhika kong maging tinig
ng mga tinanggalan ng boses
sa manggagawa't dukha'y nakinig
sa pabrika, tabing ilog, riles

hanggang ngayon, nagsusulat ako
ng mga tula, kwento't sanaysay
at pasalamat akong totoo
sa nakasama sa paglalakbay

marami kayo, di na mabilang
nang isa-isang pasalamatan
adhika ko'y ikwento ko naman
ang ating pinagdaanang laban

- gregoriovbituinjr.
10.18.2024