Martes, Hunyo 2, 2020

Ang inahin at ang kanyang labing-isang sisiw

unang araw ng Hunyo nang makitang napisa na
ang labing-isang itlog na nilimliman ng ina
halos apat na linggo ring sinubaybayan siya
buti't nagawa agad ang bagong tahanan nila

ah, nakakatuwang may bagong mga alagain
na sa panahong lockdown ay pagtutuunang pansin
kaya agad silang ibinili ng makakain
at nilagyan ng tubig upang di sila gutumin

ito ang ikalawang pagkakataong nangitlog,
nilimliman at napisa ng inahin ang itlog
ibang anak niya'y malalaki na't malulusog
ngayon, may labing-isang sisiw siyang iniirog

nawa'y magsilaki silang malakas at mataba
subalit mag-ingat sila sa mga pusang gala
magkaisa sila't huwag ring basta magpabaya
nang sa bayan ay may madulot din silang ginhawa

- gregbituinjr.
06.02.2020

Ang mabuhay bilang vegetarian at badyetaryan

paano bang mabuhay bilang isang vegetarian
na pulos gulay ang laging nasa hapag-kainan
bagamat nais ko ring mag-isda paminsan-minsan
natuto ako sa kilusang makakalikasan

di naman ako tumatanggi pag may mga karne
maliban kung pista, di ako basta bumibili
ng karne, sa manok nga'y nagkakasakit na dine
paborito kong pork chop lang minsan, di makatanggi

sa hirap ng buhay, di lang ako nag-vegetarian
kaytagal kong nabuhay bilang isang badyetaryan
depende sa badyet ang agahan at tanghalian
minsan ay altanghap, badyetaryan hanggang hapunan

bata pa lang ako'y natuto kina ama't ina
kumain lagi ng gulay, talbos, kamatis, okra
kangkong, kibal, kalabasang pampatalas ng mata
kaya natuto na ring magtanim nito tuwina

kamatis, bawang, sibuyas, ay kinakaing hilaw
pag-iinit ng luya o salabat na pangsabaw
mga pampalakas ko bukod sa sikat ng araw
sa mahabang lakaran ay nakakatagal nga raw

almusal, tanghalian, hapunan, altanghap ito
kaya kung vegetarian ako, pasensya na kayo
gayunman, isda't lamangdagat ay kinakain ko
basta iwas lagi sa karne upang sigurado

- gregbituinjr.
06.02.2020