Biyernes, Hunyo 4, 2021

Sa kaarawan ni Kasamang Des

SA KAARAWAN NI KASAMANG DES

nakilala ko si kasamang Des sa bansang Pransya
doon sa Climate Pilgrimage nga'y aming nakasama
di mula sa Pilipinas nang makasabay siya
kundi mula sa ibang bansa at nag-aaral pa

gaano man kalayo ay kaytatag sa lakaran
mula Roma hanggang Paris ay kasamang humakbang
upang ikampanyang ang klima'y pansining tuluyan
ng maraming bansa't iba't ibang pamahalaan

tumitindi na ang klima, ang mundo'y umiinit
climate change ay pag-usapan at matugunang pilit
huwag tumaas ang lebel ng tubig kahit saglit
maraming islang lulubog pag patuloy ang init

hanggang Paris Agreement ay tuluyang mapagtibay
saksi kaming naroon sa Paris, may ngiting taglay
sa iyong kaarawan, kasamang Des, pagpupugay
magpatuloy ka sa mabuting adhika, mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
06.04.2021

* Si Desiree Llanos Dee ng Greenpeace ay nasa dulong kaliwa ng litrato katabi ni dating Commissioner Yeb Saño ng Climate Change Commission, habang ako naman ay nasa ikalawa mula sa kanan.

Sa kaarawan ng makatang Danilo C. Diaz

Kayrami mong bugtong na nais naming makatugon
O dapat ba naming sagutan ang katha mong bugtong
Habang pinagdiriwang mo ang kaarawan ngayon
Ay humahapon naman sa puno ang laksang ibon

Habang bugtong mo'y sinusuri, kahit walang sirit
Bawat mong bugtong ay mga kathang sa diwa'y sulit
Bawat tula mo'y may dangal para sa maliliit
Habang naglalantad ng katotohanang kaylupit

Tulad ng sastreng humahabi ng mga salita
Sinusukat muna ang telang tatahiing sadya
Karayom, sinulid, at makina'y inihahanda
Hanggang matahi ang kasuotang nais ng madla

Salamat sa iyong mga tula, makatang Dodie
Nawa sa pagkatha ay patuloy kang manatili
Tulad ng sastreng sadyang kayhusay sa pananahi
Sa kaarawan mo, ako'y naritong bumabati

- gregoriovbituinjr
06.04.2021

Kambal na kampanyang Human Rights at Social Justice

KAMBAL NA KAMPANYANG HUMAN RIGHTS AT SOCIAL JUSTICE

di lamang human rights ang dapat isaalang-alang
kundi social justice ding dapat makamit ng bayan
habang ipinagtatanggol natin ang karapatan
ay ipaglaban din ang katarungang panlipunan

di lang karapatang pantao'y dapat respetuhin
higit sa lahat, mga maysala'y dapat singilin
ang may utang na dugo sa bayan ay panagutin
bu-ang na may atas ng krimen ay dapat singilin

ikampanyang igalang ang karapatang pantao
igalang ang wastong proseso o due process of law
upang marinig ng bayan at ng mga berdugo
upang panlipunang hustisya'y kamtin ding totoo

human rights at social justice nga'y kambal na kampanya
sa Konstitusyon, may probisyong magkasama sila
na dapat mapag-aralan at mabatid ng masa
na dapat ding unawa natin sa pakikibaka

halina't isigaw ang human rights at social justice
at sa mga pagsasamantala'y huwag magtiis
kambal na kampanyang ito'y dapat bigyan ng hugis
nang huminahon ang mga bagang na nagtatagis

- gregoriovbituinjr.06.04.2021

Kung nagkakasabay ang pulong at tungkulin

lahat na yata ng pamamaraan, gagawin ko
upang magampanan ang mga tungkuling totoo
kung sakaling magkasabay-sabay ang pulong nito
dapat pag-isipan kung ang uunahin ko'y sino

lahat na yata ng dahilan ay aking gagawin
upang madaluhan ang pulong na mahalaga rin
kahit isa'y masakit sa loob balewalain
kaya hangga't kaya ay huwag itong pagsabayin

pawang magkasinghalagang dapat kong madaluhan
pagsabayin ang mga pulong ay pakaiwasan
isang aral sa aking dapat kong pakatandaan
isang aral sa lahat na dapat pakatandaan

kaya maraming salamat sa nakakaunawa
sa mga tungkuling ginagampanang matiyaga
pinaghuhusayan kahit anong hirap ang gawa
basta ba walang bibitaw sa dakilang adhika

tinanggap natin ang pwesto kaya gampanang husay
tinanggap itong tungkuling bahagi na ng buhay
punong-puno man ng hamon yaring tungkuling tunay
muli, sa lahat ng nakakaunawa, mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
06.04.2021