Huwebes, Pebrero 2, 2023

Ulam na kamatis at sibuyas

ULAM NA KAMATIS AT SIBUYAS

kamatis at alahas, ay mali, sibuyas pala
ang aking pananghalian, at kaysarap talaga
lalo na't magkarne ay sadyang iniwasan ko na
lalo't manok na kadiri na sa aking panlasa

kamatis, bawang, sibuyas, ang naging pampalakas
talbos ng kamote, sayote, sili, at sibuyas
isinasabuhay na rin ang pagkain ng prutas
mga bungangkahoy na kaysarap na panghimagas

sa ngayon, iwasan ang anumang uri ng karne
sa pangangatawan ko'y tila ba naging mensahe
magkalaman ang kalamnan ang adhika't diskarte
upang tumatag sa lakad, wala mang pamasahe

sa ganito ko niyakap ang simpleng pamumuhay
at puspusang pakikibakang may prinsipyong taglay

- gregoriovbituinjr.
02.02.2023

Taliba

TALIBA

ako'y propagandista nitong maralita
pinagsusulatan ay ang dyaryong Taliba
ng Maralita, na publikasyon ng dukha
dalawang beses sambuwan nalalathala

doon nilalagay ang mga isyu't tindig
hinggil sa mga usaping dapat marinig
binibigyang-buhay ang mga walang tinig
panawagang bawat dukha'y magkapitbisig

di dapat balewalain ang mahihirap
pagkat sila'y kauri, dapat nililingap
bagamat ang buhay nila'y aandap-andap
kaginhawaa'y nais din nilang malasap

bilang propagandista'y aming adhikain
kapwa dukha'y maging kaisa sa mithiin
isang makataong lipunan ay likhain
makataong mundo'y maging tahanan natin

- gregoriovbituinjr.
02.02.2023

* ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Kape muna

KAPE MUNA

tara, igan, kape muna tayo
nang kalamna'y sumiglang totoo
may kaunting tinapay pa rito
at may balita ako sa iyo

ang sikmura'y painitin muna
mula sa mahamog na umaga
mabuti nang may laman, handa ka
sa mga daratal na problema

tiyak tayo'y mapapasagupa
sa nakaamba pang mga digma
ang mahalaga'y gising ang diwa
at katawan, di natutulala

kapag tayo'y magsisipag-sipag
kayrami nating maaatupag
ipakita ring tayo'y matatag
at ang loob ay mapapanatag

- gregoriovbituinjr.
02.02.2023