Sabado, Abril 25, 2020

Nobela na ang nais sulatin

bakit daw ako sulat ng sulat, kanilang tanong
dahil ayokong nakatunganga, baka maburyong
ito ang paraan ko ng pagbahagi'y pagtulong
kaysa naman sa droga't yosi lang ako malulong

pulos tula nga lang at pawang eksperimentasyon
akrostika, unang pantigan, soneto,  de kahon
ang nais ko namang sulatin ay nobela ngayon
lalo na't kwarantina't dinaranas pa ang ambon

paano ba sisimulan ang nobelang hangarin
kung yaong maikling kwento'y di pa kayang sulatin
maikli man ang dagli, mamimilipit ka pa rin
para bang gawaing ito'y sangkaterbang pasanin

subalit kung manunulat ka'y gagawin ang lahat
magplano, magbalangkas, magbanghay, bago magsulat
sa huli mo na isipin kung ano ang pamagat
aba, simulan na bago pa abutin ng alat

- gregbituinjr.

Bandalismo

sa pader, anila, bandalismo'y pagdudumi lang
na gawain ng walang magawa, may pusong halang
ngunit anong istorya sa likod ng mga patlang
bakit isyu ng bayan ang doon ay nakasalang

bakit naman bandalismo'y napiling gawin nila?
may dahilan kung bakit natin ito nakikita
upang mabasa ng madla ang hinaing ng masa
at mabasa ang di binabalita ng masmidya

huwag mong laging tingnan kung bakit ito dumumi
suriin mo rin anong nakasulat na mensahe
bakit nasa pader ang sa masmidya'y di masabi
alamin bakit hibik ng masa'y sinasantabi

bandalismo'y armas ng pinagsasamantalahan,
ng inaapi't ginigipit nating mamamayan
sa pader pinagsasalita ang nasa isipan
na di masabi't maulat ng masmidya sa bayan

- gregbituinjr.

Ang kwarantina'y isang garison

ang lockdown o kwarantina'y parang isang garison
sa sariling tahanan ay bilanggong nakakulong
tingin sa sarili'y walang kwenta, nabuburyong
nabubuhay, ani Balagtas, sa "kutya't linggatong"

nabubusog ang tulad ko sa maraming palagay
habang gutom sa hustisya ang natokhang, pinatay
guniguni'y may binubulong habang nagninilay
dapat kong ituloy ang gawaing basa-talakay

malupit ang pakiramdam sa bahay nakapiit
para bang sa kwarantina lagi kang nakapikit
habang kinukulong din ang vendors na maliliit
sa iba'y munting bagay, sa akin nakakagalit

ramdam ko'y buryong sa kwarantina, sa totoo lang
sa garisong ganito'y nais ko na'y kalayaan
ngunit nais ko pang manatili ang katinuan
kaya tula pa rin ng tula sa kasalukuyan

- gregbituinjr.

Ang buhay ko'y pakikibaka

ang buhay ko'y pakikibaka, alam nila iyan
mamamatay akong adhikain pa rin ay tangan
di mawawala ang prinsipyo sa puso't isipan
mamatay man ako, patuloy na maninindigan

sa parlamento ng lansangan kapiling ng masa
kumikilos pa rin at magtatatlong dekada na
di tumitigil, hanggang kamatayan ang pagbaka
alam nila ito, ang buhay ko'y pakikibaka

sayang ang buhay ko kung mananahimik sa tabi
habang naghihikahos ay parami ng parami
kaya ayokong iniisip na lang ay sarili
kikilos pa rin ako't sa bayan ay magsisilbi

"Be a man for others," ang payo nga ng paaralan
tapos magiging makasarili kang mamamayan?
sayang ang buhay ko kung ganyan ang nasa isipan
para kang buwayang nanggagalugad sa katihan

"Iisa ang pagkatao ng lahat," ang sabi nga
ni Emilio Jacinto, bayaning mapagkalinga
kaya kasama ko'y aping uri, obrero't dukha
pagpapakatao'y tunay na gawaing dakila

- gregbituinjr.

* "Ang Buhay Ko'y Pakikibaka" ang nais kong pamagat ng isa sa mga gagawin ko pang aklat ng mga tula

Matapos ang lockdown

matapos ang lockdown, ako na'y magboboluntaryo
sa mga nangangailangan ng aking serbisyo
kahit walang sahod o kaya'y mababa ang sweldo
ibabalik kong muli ang sigla nitong buhay ko

 masisilayan akong muli sa pakikibaka
at magsusulat pa rin ng artikulong pangmasa
ipaglalaban pa rin ang panlipunang hustisya
at muling sasama sa pagbabago ng sistema

hihiwalay sa mga sagabal sa simulain
lalayuan ang sinumang balakid sa layunin
una lagi'y prinsipyo't niyakap na adhikain
iba'y suporta lang sa sinumpaan kong tungkulin

matapos lang ang lockdown, patuloy ang aking misyon
kikilos para sa adhikaing niyakap noon
ayokong basta na lang mawala sa sirkulasyon
mabuti nang mamatay kaysa mawala ang layon

- gregbituinjr.