Martes, Oktubre 6, 2020

Ang tunay na kahulugan ng pagsisilbi

naramdaman ko sa piling ng masang inaapi
kung anong tunay na kahulugan ng pagsisilbi
sa bayan, sa paglilingkod ialay ang sarili
katuturan ng buhay ay natagpuan ko rini

hungkag ang buhay sa lugar na napakatahimik
di ako bagay doon habang iba'y humihibik
ng panlipunang hustisya't dama'y paghihimagsik
nais ko pa ring magsilbi, sa puso'y natititik

di ko nais aksayahin ang buhay ko sa wala
isa akong frontliner na sa sigwa'y sasagupa
isang tibak akong kasangga'y uring manggagawa
at sekretaryo heneral naman ng maralita

ang nais ko'y ialay ang natitira kong buhay
sa bawat pakikibaka't sa prinsipyo kong taglay
bilang paralegal ng dukha'y nagpapakahusay
kaya mananatiling tibak hanggang sa mamatay

- gregoriovbituinjr.

Ang punong Apitong

itong Apitong pala'y isang katutubong puno
sa bansa, tulad ng nara, buti'y di pa naglaho
kayrami raw noon nito, mura't di manlulumo
ginagamit noon sa mga silya ng maluho

panahon ng Hapon, kilala ang silyang apitong
pati mga lamesa'y yari rin sa kahoy niyon
dingding man at kisame'y apitong din yari noon
apitong din ang bubong bago sasa'y ipapatong

taas nito'y umaabot pa sa limampung metro
na sa tayog ay sadya mong titingalain ito
sampu hanggang dalawampung taon ang tagal nito
kaya dapat talagang pangalagaan din ito

may mga apitong daw sa bundok ng Syera Madre
na sana'y di basta kalbuhin ng mga salbahe
dapat magtanim ng apitong na malaking silbi
pagkat katutubong punong dapat ipagmalaki

- gregoriovbituinjr.

* Ang litrato ay kuha sa aklat na Philippine Native Trees 101, pahina 50.

Paglalagay ng bawang sa piniprito

natatandaan kong turo ng butihin kong ama
na noong kabataan ko'y lagi ring nakikita
naglalagay siya ng bawang pag nagprito siya
ng isda o karne, pagkat magandang pampalasa

tanda ko pa rin ang kanyang tinuro hanggang ngayon
sabi pa niya'y maganda sa kalusugan iyon
sa mga ilang sakit nga raw ay bawang ang tugon
huwag maliitin ang bawang, kumain ka niyon

naglalagay na rin ako ng bawang pag nagprito
at ipinagmamalaki kong kay ama natuto
upang maging malusog, bawang na'y nginangata ko
kahit hilaw, pampalakas resistensya din ito

salamat sa mga turo ng ama kong butihin
bawang ang sagot pag may ubo o sira ang ngipin
magsepilyo lamang matapos mo itong ngatain
nang kaharap o kausap mo'y di agad babahing

- gregoriovbituinjr.

Sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Ka Pedring Fadrigon

nabigla kami sa biglaan mong pagpanaw noon
dahil ama ka ng maralita't ng asosasyon
unang anibersaryo ng kamatayan mo ngayon
at ginugunita ka, pangulong Pedring Fadrigon

sa mga lider-maralita, pangalan mo'y sambit
mga tulong sa kapwa dukha'y di ipinagkait
lider na kaysipag hanggang kamataya'y sumapit
ang batikang Ka Kokoy Gan ang sa iyo'y pumalit

kayhusay sa pagkilos at tunay kang nagpapagal
pagkat ipinaglaban ang maralita't ang dangal
ang pagiging lider mo'y ipinakita sa asal
kaya dapat isulat yaong naiwan mong aral

buhay na buhay nga ang kolum mong Tinig ng Dukha
sa ating pahayagang Taliba ng Maralita
na sadyang pumukaw sa puso't diwa ng dalita
habang iyong tangan ang prinsipyo't inaadhika

sa aming paggunita sa unang anibersaryo
ng iyong pagkamatay, K.P.M.L. ay narito
O, Ka Pedring Fadrigon, kami sa iyo'y saludo
maraming salamat sa mga payo't pangaral mo

- gregoriovbituinjr.
10.06.2020

Sampares na gwantes

sampares na gwantes, binili kong bente pesos lang
sa sarili'y tanging regalo noong kaarawan
biro nga, kaybabaw daw ng aking kaligayahan
sa mumurahing regalo'y agad nang nasiyahan

bakit, ano ba ang malalim na kaligayahan?
ito lang ang naitugon kong dapat pagnilayan
malaking tulong sa ekobrik ang gwantes na iyan
lalo't ako'y namumulot ng plastik kahit saan

isip ko lagi'y maitutulong sa kalikasan
pagkat basura'y naglipana sa kapaligiran
nasa diwa'y paano tutulong ang mamamayan
kundi ako'y maging halimbawa sa misyong iyan

sa pageekobrik ang gwantes ay dagdag ko naman
pagkat proteksyon sa sarili munting regalo man
lalo sa sakit na makukuha sa basurahan
di ba't mabuting may gwantes kaysa kamayin ko lang?

- gregoriovbituinjr.