Martes, Marso 29, 2022

Maralita, bida pag eleksyon

MARALITA, BIDA PAG ELEKSYON

pag nangampanya'y trapong kuhila
pulos pangako sa maralita
kaytatamis ng mga salita
pangako'y rosas, langit at tala
tuwing halalan, bida ang dukha

trapong hudas ay pulos pangako
gagawin ng buong puso kuno
ngunit lagi na lang napapako
humaba na ang ilong at nguso
nilang trapong mapagbalatkayo

trapo'y papasok pa sa iskwater
sa putikang kayraming minarder
na dukha, kunwa'y di mga Hitler,
noong war on drugs ng nasa poder
hihimas-himas pa sa pagerper

maralita, bida pag eleksyon
ngunit pag trapo'y nanalo ngayon
pangako'y balewala na roon
dukha'y bida lamang pag eleksyon
para iboto ang trapong iyon

dahil sa dami ng maralita
sila ang nililigawang sadya
subalit sila ba'y may napala
pinangakuan, binalewala
kailan matututo ang dukha?

- gregoriovbituinjr.
03.29.2022

Tulaan

TULAAN

tara, tayo'y tumula
ng samutsaring paksa
at doon isadula
ang buhay nating sadya

ikwentong pataludtod
ang bawat nating pagod
pawis, sikap at kayod
pati mababang sahod

isalaysay sa saknong
ang pasyang urong-sulong
tulad ng chess at gulong
plano'y saan hahantong

bilangin man ang pantig
na isinasatinig
dapat nating mausig
ang mga manlulupig

tula ang buhay natin
kathain ang paksain
anong isyu't usapin
sa madla'y bibigkasin

- gregoriovbituinjr.
03.29.2022

* litratong kuha noong World Poetry Day

Latang titisan

LATANG TITISAN

ah, nakakatuwa ang titisan
na gawa sa latang walang laman
Master Sardines pa ang pinaglagyan
sa mga Master, may panawagan:

"Master, narito po ang titisan
Upos mo'y dito po ang lagayan
Titis ng yosi'y pagtataktakan
Ano, Master, maliwanag iyan!"

di tapunan ang kapaligiran
di basurahan ang kalikasan
simpleng ashtray ang latang titisan
nang sa bayan, makatulong naman

at dahil dito'y pakatandaan
maging sagisag ng kalinisan
gamiting maayos ang titisan
para sa kabutihan ng bayan

- gregoriovbituinjr.
03.29.2022

Pamasahe

PAMASAHE

sa pasahe, tiket ay patunay
sa beepbus na ikaw ay sumakay
tumaas lang ng piso'y aaray
tila ba bulsa'y nasaktang tunay
magbayad pa rin sa paglalakbay
nang makarating ng matiwasay
sa iyong destinasyon at pakay

tulad din sa ating pamumuhay
mula pagsilang hanggang mamatay
di lang tutunganga't maghihintay
kundi mamamasahe kang tunay
destinasyong plano'y nilalakbay
sumusulong sa bawat pagsakay
bababa pag narating ang pakay

- gregoriovbituinjr.
03.29.2022