Lunes, Mayo 17, 2021

Ang solong halaman sa bangketa

ANG SOLONG HALAMAN SA BANGKETA

nag-iisa man ang tanim sa gilid ng bangketa
tumutubo't nabubuhay sa kanyang pag-iisa
pananaw din niyang habang may buhay, may pag-asa
baka siya'y binhing bumaon sa lupang kayganda

patunay na kahit nag-iisa'y may magagawa
basta't malinaw ang paninindigan at adhika
basta't marunong makipagkapwa-tao sa madla
basta't makabuti sa marami ang ginagawa

kaya kung sakaling nag-iisa'y huwag malungkot
tulad ng halaman sa bangketang hindi natakot
sakaling mamunga't may pakinabang itong dulot
mag-isa man, buhay ay may katuturang naabot

maraming salamat sa mag-isang halamang iyon
pagkat sa tulad ko, siya'y nagsilbing inspirasyon
lalo't hinarap ang samutsaring problema't hamon
na nalutas din namang anong galing nang maglaon

- gregoriovbituinjr.

* litratong luha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Paggawa ng titisan o ashtray

PAGGAWA NG TITISAN O ASHTRAY

ginawa kong titisan ang walang lamang delata
muli, titisan para sa nagyoyosi tuwina
upang upos ng yosi'y di basta maibasura
kundi maipon para sa yosibrik kong programa

tipunin ang upos upang di mapunta sa dagat
alam ni misis, sa tungkuling ito, ako'y tapat
sa pangangalaga ng kalikasan ay magmulat
na dapat may gawin sa upos na kakalat-kalat

kaya walang lamang delata'y ginawang titisan
sa mga opisina'y ipamahaging tuluyan
tipunin ang mga upos sa gagawing imbakan
kung sa hibla ng upos, walang magawang anuman

naisip ko sanang may magawa sa bawat hibla
ng upos ng yosi, may imbensyong magagawa ba?
katulad ng lubid mula sa hibla ng abaka
katulad din ng barong mula sa hibla ng pinya

tulong na sa kalikasan ang proyektong yosibrik
na parang paraan din ng paggawa ng ekobrik
upos ay ikulong unti-unti sa boteng plastik
kaysa mapunta sa dagat, mga isda'y hihibik

iwasang maging microplastic ang plastik sa laot
pati mga upos na sadyang kakila-kilabot
munti mang gawa sa higanteng adhika'y maabot
upang kalikasan ay di maging kalungkot-lungkot

- gregoriovbituinjr.

Ilang nakitang pagsasalin


ILANG NAKITANG PAGSASALIN

nakunan ko lang ang ilang halimbawa ng salin
nang mahagip sa telebisyon ang isang aralin
mga likhang salita sa sariling wika natin
ito kaya'y magandang sa araw-araw gamitin

maganda bang gamitin ang salitang itinumbas
sa ating pamumuhay, literatura't palabas
ang sipnayan ay matematika, tingin ko'y patas
ang salongsuso sa bra, mayroon bang mamimintas

dapat bang inimbento ang katumbas na salita
upang maipakitang may salin tayo sa bansa
o ito'y dapat dumaloy ng kusa at malaya
pagkat gamit na't namutawi sa bibig ng madla

gagamitin ba natin ang mga salitang ito
pagkat parang pilit lang ang salitang inimbento
ngunit dumaan din sa kasaysayan ang ganito
prosesong pagpapaunlad ng wikang Filipino

gawain ng makata na salita'y itaguyod
ngunit dapat makata'y kumbinsido't nalulugod
gamitin sa pagtula't kami'y inyong abang lingkod
kung tatanggapin ng madla, sila ang masusunod

- gregoriovbituinjr.

Soneto sa tatlong hakbang

SONETO SA TATLONG HAKBANG

sa lululan ng eskalador ay may ibinilin
tatlong hakbang na pagitan lang po na kayang sundin
oo, kahit sa eskalador, may social distancing
ang tatlong hakbang ay isang metrong pagitan na rin

madalas ko iyong makita doon sa M.R.T.
gayundin naman kung tayo'y sasakay sa L.R.T.
kahit sa eskalador kung manonood ng sine
tatlong hakbang na pagitan, sundin mo't maging saksi

naka-face mask, face shield, social distancing kahit saan
alalahanin mong lagi ang iyong kalusugan
mabuting nag-iingat kaysa nagkakahawaan
lalo na't may pandemya, tatlong hakbang na pagitan

salamat po sa sinumang dito'y nagsisisunod
pagkat kagalingan ng kapwa'y naitataguyod

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala bago sumakay ng M.R.T. sa Shaw Blvd.

Sarado na pala ang Harrison Plaza

SARADO NA PALA ANG HARRISON PLAZA

oo, sarado na ang Harrison Plaza, sarado
kailan ko lang nalaman nang mapadaan ako
dito ko noon binibili ang murang sudoku
at naging tambayan ko rin noong kabataan ko

ah, nawalan ng trabaho ang mga manggagawa
nawalan na ng pasyalan ang matatanda't bata
dumaan munang C.C.P. na may kukuning sadya
at dumaan na rin sa plaza ng aking gunita

iyon nga, sarado na, pandemya'y tumama diyan
nag-lockdown, walang kostumer at nagsarang tuluyan
ito ba'y magiging isang alaala na lamang 
lalo't ito'y bahagi na ng aking kabataan

pagkapag-jogging sa Roxas Boulevard ng umaga
kakain muna ng halaan sa tabing aplaya
bago umuwi'y dadaan na sa Harrison Plaza
malamig kasi, kaya doon ay tatambay muna

anong plano rito'y wala pa akong mahagilap
gayunman, pagsasara nito'y akin nang tinanggap
dahil sa pandemyang kasalukuyang nagaganap
alaala na lang ng mga binuong pangarap

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala matapos manggaling sa Cultural Center of the Philippines (CCP), 05.13.21