Lunes, Setyembre 24, 2012

Tindahang Sari-Sari


TINDAHANG SARI-SARI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ilang araw ko ring naging kakampi
ang tindahang sari-sari sa kanto
agahan ko'y doon ko binibili
mura na'y nakakabusog pang todo

sa tanggapan ng migrante'y may kape
sasaluhan ng biskwit na bili ko
pag nagdatingan ang mga migrante
sa almusal kami’y magkakasalo

tila Bumbay ang tinderang babae
nagitlang ako raw ay Inglesero
ang kasama ko sa kanya'y nagsabi
di ako Burmes kundi Pilipino

napangiti na lang yaong babae
at matamis na ngiti ang ganti ko
sa tindahang iyon ako nawili
ngayon ay alaala na lang ito

- Setyembre 24, 2012

Palaganapin ang Baybayin


PALAGANAPIN ANG BAYBAYIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may sariling panulat yaong taga-Burma
habang tayo'y di tinatangkilik ang atin
masdan mo't yaong panulat nila'y kayganda
habang di natin alam ang ating baybayin

sinulat noon ng bayaning Bonifacio
na bago pa dumating ang mga Kastila
sa bayan ay may sariling panulat tayo
na alam ng lahat, matanda man o bata

dahil sa pananakop ay nakalimutan
ang sariling panulat, pilit iwinaksi
ng mga mapang-api't gahamang dayuhan
kanila tayong hiniwalay sa sarili

panahon na't ating balikan ang baybayin
na baka nahiwalay na sarili'y mabalik
halina't kumilos pagkat sariling atin
itong baybaying dapat nating matangkilik

- Setyembre 23, 2012

Kaysarap ng Hangin sa Aking Tulugan



KAYSARAP NG HANGIN SA AKING TULUGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tila okupado ko'y buong ikatlong palapag
gayong sa isang sulok lang, guniguni'y lagalag
habang nahihimbing, bungang tulog na'y nangalaglag
diwa'y pinipitas habang payapa ang magdamag

nasa malayo man, maaari bang makalimot?
bahagya nga bang nakaiwas sa maraming gusot?
nakakaisip ng paraan paano magamot
ang sugatang pusong tila sa masa'y isang dakot

ang ibon ay di pwedeng mamuno sa mga isda
iba ang kapitalista't iba ang manggagawa
ang magkalabang interes, magkaibang adhika
kahit tulog at nahihimbing ay nananariwa

hinehele ako ng hangin sa aking tulugan
tila dinuduyan sa alapaap ng kawalan
patas ba o taliwas itong ating kalagayan
bakit dukha'y laksa-laksa't karampot ang mayaman

nagmumuni sa panahong ang isip ay lagalag
nakapikit, nakatulog, ngunit napapapitlag
pag may naaalala’t salitang bumabagabag
ngunit napapayapa rin pag loob ay panatag

saan dapat hugutin ang lakas, sa inspirasyon?
sa maganda bang dilag o sa isang rebolusyon?
nais ko’y hustisya’t paglaya ng maraming nasyon
tama kaya ang aming tinatahak na direksyon?

- Setyembre 23, 2012, gabi

Tsinelas sa Labas, Malinis na Sahig


TSINELAS SA LABAS, MALINIS NA SAHIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kapansin-pansin ang kanilang disiplina
sapatos at tsinelas, hinuhubad nila
sa pagpasok sa bahay o sa opisina
kultura nilang ito'y asal na kayganda

pag inyong mamasdan ang gilid ng pintuan
sa loob o labas nito at sa hagdanan
sapatos at tsinelas ay nagkukumpulan
tila ba nagpupulong, nagtatalakayan

kataka-taka bang sa sahig manalamin
sa kintab nitong pinagpagurang linisin
kalinangang ganito'y ating unawain
at kung kinakailangan, tularan natin

- Setyembre 23, 2012, gabi, sa tulugan sa ikatlong palapag ng Yaung Chi Oo

Tagay-Tagay


TAGAY-TAGAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

paminsan-minsan, kita'y tumagay
halina't tumungga tayong sabay
habang buong gabi'y nagninilay
paano tayo magtatagumpay
lagi na lang tayong umaaray
pagkat karapata'y niluluray
ng rehimeng mapang-aping tunay
kalimutan muna iyan, tagay
habang isip at puso'y may lumbay
pagkat di laging gabi ang buhay
bawat bukas, may bukangliwayway
kakamtin din natin ang tagumpay

- kasama ang ilang kagawad ng Yaung Chi Oo, ininom namin ang nag-iisang Burmese wine na Grand Royal, na dala ng isang taga-Burma pagkat wala noon sa Mae Sot; sumunod ay Thailand wine na Blend 285, Setyembre 23, 2012, gabi

Tanghalian at Hapunan sa Bahay-Tuluyan

TANGHALIAN AT HAPUNAN SA BAHAY-TULUYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaybait ng isang dalagang taga-Burma
sa bahay-tuluyan ako’y pinaghanda pa
baka daw marahil ako’y nagugutom na
kaya’t nagtanghalian ako sa kanila

marahil isa itong kanilang paraan
kung paano ba makisama sa dayuhang
tulad ko, ginawa’y magandang kaasalan
pagtanggap sa kapwa’y isang kaugalian

tanghali, ako’y pinakain niyang pilit
nasa isip yata ako’y magkakasakit
ngunit hindi, siya lang ay sadyang mabait
alam niyang makisama’t di mapagkait

tila nasa isip, malungkot ang makata
di niya alam na kaya nakatunganga
ang makata’y patuloy sa kanyang paglikha
ng mga taludtod kaya nakatulala

gabi, matapos maglaro ng sepak takraw
sabay kaming kumain sa gabing maginaw
nag-alay pa ng tubig nang ako’y mauhaw
kumaing nakakamay matapos maghinaw

maraming salamat sa iyong pag-alala
kaya tulang ito sa iyo’y alaala
muli, salamat sa iyo, aming kasama
sana’y magkita tayo sa loob ng Burma

- Setyembre 23, 2012

Paglalaro ng Sipa

PAGLALARO NG SIPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

hapon ng Linggo nang maglaro kami
ng sepak-takraw sa bahay-tuluyan
doo'y di na ako nag-atubili
kaya di naman ako nahirapan

tila sanay pa rin akong sumipa
tulad ng panahong kabataan ko
kaytagal walang praktis, di nanghina
at matatag pa rin ang aking buto

minsan ang sipa ko'y napapalakas
minsan naman ang bola'y di masapol
sinipa'y hangin, bola'y lumalampas
bolang ito'y tila ba nagmamaktol

isang katuwaan lamang ang laro
kami roo'y tila magkakapatid
di inisip bawat isa'y igupo
pagkat kaisahan ang nasa't hatid

- sa bahay-tuluyan ng YCOWA 
Setyembre 23, 2012

Galaw ay Nauunawa, Di Man ang Wika


GALAW AY NAUUNAWA, DI MAN ANG WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sa bahay-tuluyan, Linggo, hapon
nanood kami ng telebisyon
ibang wika man ang gamit doon
nauunawaan ko ang aksyon

malalaman mo ang kwento nila
kaygagaling ng mga artista
kahit man ito’y isang pantasya
o isang maaksyong pelikula

gulat sila marahil sa akin
dahil nga sa TV’y nakatingin
iba kasi yaong salitain
tingin nila, ako’y inip na rin

“do you understand?”, anang kasama
“yes” naman ang tugon ko sa kanya
“not the words, but the action” dagdag pa
na ikinatuwa naman nila

kaiba man ang mga salita
sa galaw madaling maunawa
tulad din ng adhikang paglaya
mauunawa sa bawat bansa

iba man ang lahi’y madarama
sa puso’t diwa kung may pagsinta
sa bawat kilos ay makikita
kung inis ka, galit o masaya

- sa bahay-tuluyan ng YCOWA, Setyembre 23, 2012