KAYSARAP NG HANGIN SA AKING TULUGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
tila okupado ko'y buong ikatlong palapag
gayong sa isang sulok lang, guniguni'y lagalag
habang nahihimbing, bungang tulog na'y nangalaglag
diwa'y pinipitas habang payapa ang magdamag
nasa malayo man, maaari bang makalimot?
bahagya nga bang nakaiwas sa maraming gusot?
nakakaisip ng paraan paano magamot
ang sugatang pusong tila sa masa'y isang dakot
ang ibon ay di pwedeng mamuno sa mga isda
iba ang kapitalista't iba ang manggagawa
ang magkalabang interes, magkaibang adhika
kahit tulog at nahihimbing ay nananariwa
hinehele ako ng hangin sa aking tulugan
tila dinuduyan sa alapaap ng kawalan
patas ba o taliwas itong ating kalagayan
bakit dukha'y laksa-laksa't karampot ang mayaman
nagmumuni sa panahong ang isip ay lagalag
nakapikit, nakatulog, ngunit napapapitlag
pag may naaalala’t salitang bumabagabag
ngunit napapayapa rin pag loob ay panatag
saan dapat hugutin ang lakas, sa inspirasyon?
sa maganda bang dilag o sa isang rebolusyon?
nais ko’y hustisya’t paglaya ng maraming nasyon
tama kaya ang aming tinatahak na direksyon?
- Setyembre 23, 2012, gabi
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento