Biyernes, Marso 25, 2022

Tatak sa kamiseta

TATAK SA KAMISETA

tila poster ang sa t-shirt tatak
na talaga kang mapapalatak
di man nahihili'y nagaganyak
na magsuot din ng gayong gayak

bibili ako ng t-shirt ngayon
at patatatakan na rin iyon
heat press daw ang tawag sa ganoon
magbigay lang ng disenyo roon

magplano muna bago bumili
nang may maganda namang diskarte
ang disenyo'y planuhing mabuti
nang dama'y saya, kawili-wili

sa bawat araw ay susuutin
sa paanyayang iboto natin
ang kandidatong talagang atin
Manggagawa Naman, panalunin!

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022

Tíbuyô ni Goryò

TÍBUYÔ NI GORYÒ

hinuhulugan ko ang tíbuyô
ng tiglima't sampung pisong buô
mag-iipon akong walang hintô
hanggang tibuyong ito'y mapunô

may baryang bente pesos ding sukat
mapunong tila kaing ng duhat
sa buong taon ay mapabigat
baka may ginhawang maiakyat

barya man ay pinag-iipunan
sa tíbuyô ng kinabukasan
upang sa panahong kagipitan
kahit paano'y may ipon naman

ganyan ang tíbuyô ng pangarap
na punong-puno ng pagsisikap
may mahangò sa panahong hirap
may dudukutin sa isang iglap

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022

tíbuyô - Tagalog-Batangas sa wikang Kastilang alkansya

Titisan

TITISAN

gumawa pang muli ng titisan
o ashtray upang mapagtapunan
ng upos at titis ng sinumang
nagyoyosing madalas o minsan

iaambag ang titisang iyon
sa mga opisina - ang misyon
upos at titis, ilagay doon
na sa kalikasan din ay tulong

salita'y itinataguyod din
na may salin na sariling atin
na maganda ring ating gamitin
di pulos ashtray na iinglesin

tulad ng tibuyo sa alkansya
banoy naman para sa agila
at sa iskor at tally ay para
sa ashtray ay may titisan pala

wikang sarili'y ipalaganap
ito'y itaguyod nating ganap
wikang pangmasa sa pag-uusap
unawain ito't ipalasap

ganito sa tulad kong makata
gamit sa kalikasan at diwa
itaguyod, sariling salita
wika ng bayan, wika ng madla

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022

Pagsasalin ng haiku

PAGSASALIN NG HAIKU

Nakabili ako ng libro ng haiku ng makatang Hapones na si Matsuo Basho noong Abril 13, 2019 sa halagang P80.00. Nilathala ito ng Penguin Classics. Naitago ko ang librong ito at nakita muli. Binasa ko ang ilan niyang haiku na pawang salin na sa Ingles. 

Sinubukan kong isalin sa wikang Filipino ang lima niyang haiku sa paraan ding iyon na pantigang 5-7-5. Pinili ko lang ang isinalin dahil ang iba'y hindi kayang ipasok sa 5-7-5 dahil sa mahahabang salita natin. Na marahil sa wikang Hapones,  maraming salitang iisa ang pantig na pasok na pasok sa kanilang haiku.

p. 28
Whiter than stones (Ang Batong Bundok)
of Stone Mountain - (maputi pa sa bato -)
autumn wind. (hanging taglagas.)

p. 31
Where cuckoo (Nang ibong kuku)
vanishes - (ay tuluyang naglaho -)
an island. (ang isang pulo.)

p. 38
Violets - (Ang mga lila -)
how precious on (kayhalaga sa landas)
a mountain path. (ng kabundukan.)

p. 47
Come, see real (Halika, tingni)
flowers (ang bulaklak sa mundong)
of this painful world. (napakasakit.)

p. 49
Crow's (Ang iniwanang)
abandoned nest, (pugad ng isang uwak,)
a plum tree. (puno ng duhat.)

Isa siyang inspirasyon. Pawang mula sa kalikasan ang kanyang mga haiku. Dahil dito, kumatha rin ako ng una kong limang haiku.

1
Langay-langayan
pagkatuka'y lilipad,
parang tulisan!

2
Ang mga langgam
ay sadyang kaysisipag,
mumo na'y tangay!

3
Daga sa bahay,
takbuhan ng takbuhan,
kisame'y luray.

4
Sa tinding usok,
napuksa ba ng katol
ang laksang lamok?

5
Pusa'y humibik,
nang mabigyan ng tinik
agad humilik.

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022

Almusal ko'y tula

ALMUSAL KO'Y TULA

madalas, almusal ko'y tula
imbes kanin at pritong isda
madaling araw na'y kakatha
pagbukangliwayway, may tula

tula muna'y aalmusalin
pag nabusog ay lulutuin
ang agahang talagang atin
ang isda, kanin at gulayin

kaya almusal pagkaluto
magsasalo ang magkasuyo
basta huwag lang matutuyo
ang tiyan, lalamuna't puso

almusal ko'y tula, madalas
madaling araw pa'y pupungas
pangarap na lipunang patas
yaong sa diwa'y pinipitas

at isusulat nang malambing
tila tulog, sarap ng himbing
subalit tula'y nanggigising
kaya sa pagtula'y nagising

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022