AKO SI ASOGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ako itong si Asogeng may dalang ulat
tila walang hapo, may kabal na akibat
para bang nakasakay sa talim ng kidlat
nang matuling maihatid ang nararapat
may kasabihan nga ang matatandang dukha
kaybilis mag-ulat, may pakpak ang balita
kaytuling kumalat, may taynga ang lupa
ganyan ang balita kung masagap ng madla
kayrami ng nangyayaring dapat mabatid
kung walang mga taong dito'y naghahatid
mula sa bulungan, anasan ng litid
ulat ay nalalaman ng mga kapatid
ito ang papel ng mga tagapag-ulat
mahalagang balita'y isinisiwalat
huwag lang kasinungalingan ang ikalat
dahil ganito'y pawang tsismis na maalat
* asoge - tagalog sa mercury