Martes, Setyembre 28, 2021

Kisame

KISAME

pansin ko, kayrami ko palang tula sa kisame
kung di nakatingala ay nakahiga lang dine
nang dahil sa covid ay talagang di mapakali
tila ba kisame sa pagkakasakit ko'y saksi

pagkamulat sa umaga'y tatambad ang kisame
at nakatitig pa rin doong pipikit sa gabi
habang inaasam na kalagayan ay umigi
nang dahil sa covid, nakatunganga't panay muni

napagtanto kong samutsari ang mga kisame
na may iba't ibang disenyo, hugis, kulay, arte
tila ba ako'y saksi sa maraming pangyayari
kung di butiking salbahe, langgam na nagdebate

tabing sa gabing anong lamig ang abang kisame
at dingding na kahoy habang dama'y di maiwaksi
sa tag-ulan, bubong at kisame'y kaylaking silbi
panatag ka, nang musa'y dumalaw sa guniguni

- gregoriovbituinjr.
09.28.2021

Pipino't kamatis

PIPINO'T KAMATIS

pampalusog muli itong paalmusal ni misis
aba'y kaysarap na ulam ng pipino't kamatis
pampalakas na, aba'y pampakinis pa ng kutis
mga pagkain itong pagsinta'y di nagmimintis

pipino'y cucumis sativus ang ngalang pang-agham
na mataas sa nutrient, isang anti-oxidant
siyamnapu't limang porsyento'y tubig yaong laman
pampalusog din ng bato, sa kanser ay panlaban

ang kamatis naman ay solanum lycopersicum
may taglay na vitamin C at K, folate, potasyum
matagal ko ring nakasama lalo't nagugutom
at malaking tulong sa saliksik ko't paglalagom

kaya pipino't kamatis ay kaygandang almusal
pampatibay ng kalamnan, di ka basta hihingal
malinaw ang pananaw sa lipunang umiiral
sa anumang problema'y pag-asa ang niluluwal

- gregoriovbituinjr.
09.28.2021