Biyernes, Abril 17, 2020

Gunam-gunamin mo ang sakit na kasumpa-sumpa

Gunam-gunamin mo ang sakit na kasumpa-sumpa

Gunam-gunamin mo ang sakit na kasumpa-sumpa
Gustong madalumat pagkat di iyon matingkala
Guniguni'y tila baga may asam na adhika
Gugulin ay di na mawari pagkat walang-wala

Gutom at di makapagtrabaho ang nangyayari
Gugupuin ang kalusugan nating di mawari
Gulo ito kung namumuno'y tila walang silbi
Gutay-gutay na pamumuhay sa dusa'y sakbibi

Guhong mga pangarap sa dibdib na'y halukipkip
Gubat na ang lungsod na animo'y di na malirip
Gunggong ang tusong trapong sarili lang ang inisip
Guwang sa polisiya nila'y ating nahahagip

Gulat man ang masa sa sakit na nananalasa
Gulantang man ang bayan sa biglaang kwarantina
Gulilat man tayo sa aksyon ng trapong paasa
Gusot ay maaayos pag nalutas ang pandemya

- gregbituinjr.

Giliw, ikaw ang mutya niring pusong sumisinta

Giliw, ikaw ang mutya niring pusong sumisinta

Giliw, ikaw ang mutya niring pusong sumisinta
Gitling man ay di namagitan sa ating dalawa
Giikin natin ang palay nang may buong pag-asa
Gilik sa palay ay iwasang mangati sa paa

Gipit man ngayon ay patuloy kitang nagsisikap
Giti man ang pawis sa noo'y laging nangangarap
Gitata sa sipag nang kaalwanan ay malasap
Ginhawang anong ilap ay atin ding mahahanap

Giray-giray man sa daan, tutupdin ang pangako
Giyagis man ng hirap ay di rin tayo susuko
Giwang sa adhika'y suriin nang di masiphayo
Ginisang anong sarap ay atin ding maluluto

Gising ang diwang di payag mapagsamantalahan
Giting ng bawat bayani'y kailangan ng bayan
Giit natin lagi'y wastong proseso't karapatan
Gibik na kamtin ng masa'y hustisyang panlipunan

- gregbituinjr.

Garapalan na ang nangyayaring katiwalian

Garapalan na ang nangyayaring katiwalian

I
Garapalan na ang nangyayaring katiwalian
Gahaman at tuso'y napaupo sa katungkulan
Ganid na pawang pahirap sa laksang mamamayan
Garapata silang nasa likod ni Kalakian
Garote'y dapat sa tulad nilang taksil sa bayan

II
Gawa ng magulang upang anak ay di bumagsak
Gagapang upang mapagtapos lang ang mga anak
Garantiyang pag napagtapos ay labis ang galak
Ganansyang may kinabukasan, di naging bulagsak
Gantimpala na itong nagbunga rin ang pinitak

III
Gaygayin ang laot tungo sa pulo ng mabuti
Gaod sa balsa'y gamitin mong wasto't magpursigi
Gampanan ang misyon habang bawat mali'y iwaksi
Gagayak tungo sa islang walang mga salbahe
Galak ang madarama sapagkat wala ring peste

IV
Garalgal na ang pananalita't di makangawa
Garil ang tinig sa isyu't problemang di humupa
Gamol man siyang laging sakbibi ng dusa't luha
Gatla sa noo'y tandang marami pang magagawa
Gawin lagi sa kapwa kung anong mabuti't tama

- gregbituinjr.

Ngumiti ka rin, huwag laging magmukmok

Ngumiti ka rin, huwag laging magmukmok

minsan, kailangan ding ngumiti, huwag magmukmok
sa isang tabi, dinanas mo man ay isang dagok
may magagawa ka pa kung ramdam mo'y pagkalugmok
dahil bawat umaga'y may pag-asang nilililok

halina't buong umaga'y punuin mo ng ngiti
matagal man ay maghihilom din ang bawat hapdi
lutasin ang suliranin mula ugat o sanhi
at sa puso't tanggalin ang ngitngit at pagkamuhi

salubungin mong nakangiti ang bagong umaga
isapuso mo't isadiwang may bagong pag-asa
at damhin ang hanging amihan kasama ang sinta
malulutas din ang kaharap mong isyu't problema

di laging sa likod mo'y nakatarak ang balaraw
di ka laging nasa dilim, may darating ding tanglaw
problema mo'y matatapos pag ikaw na'y gumalaw
manganak man muli ng problema'y may bagong araw

- gregbituinjr.

Magugutom ka ngunit gagawa ka ng paraan

Magugutom ka ngunit gagawa ka ng paraan

magugutom ka ngunit gagawa ka ng paraan
anumang mga ginagawa'y tiyak mong iiwan
maghahanap ng makakain, lalamnan ang tiyan
laking gubat man, gutom ay kaya nilang iwasan

"matter over mind", pag naramdaman mong kumakalam
ang sikmura'y tiyak hahanap ng kanin at ulam
laging nakaplano ang pagkain, ito na'y alam
kahit taong grasa'y di payag sikmura'y kumalam

mag-isip ng paraan nang di magutom ang anak
walang namamatay sa gutom, igalaw ang utak
maraming namatay dahil tinokhang o sinaksak
subalit sa gutom, di namatay o napahamak

ang epekto ng gutom ay di kamatayan agad
magkakasakit muna, ulser? kanser? malalantad
baka buong panahon mo'y sa ospital bababad
mamamatay ka sa ospital sa laki ng bayad

mga ibon nga sa himpapawid, nakakakain
ikaw pang taong may isip, alam mo ang gagawin
aso o pusang gala, taong gubat man, kakain
sa tusong matsing, gutom ay napaglalalangan din

di pwedeng "mind over matter", isipin mong busog ka
sa panahon ng lockdown ay isipin mong busog ka
aba'y magugutom ka pag di ka kumain, tanga
"matter over mind", pagkalam ng tiyan, kumain ka

- gregbituinjr.

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom

marami nang sa COVID ay namatay nang tuluyan
namatay sa gutom ay wala pang nabalitaan
dahil ba likas sa taong gumawa ng paraan
upang pamilya'y di magutom, may laman ang tiyan

may namatay dahil binaril ng mga halimaw
nagprotesta dahil sa gutom, ito ang malinaw
tagtuyot sa Kidapawan, walang ani, malinaw
at sila'y binaril, tatlong magsasaka'y pumanaw

gayong lehitimo naman ang panawagan nila
ngunit iba ang COVID na tao'y na-kwarantina
walang sakit, walang ring trabaho, may paraan pa
laban sa gutom, bayanihan ang mga pamilya

wala pang namamatay sa gutom, kahit pa dukha
dahil likas sa taong may paraang ginagawa
subalit sa COVID, baka di sila makawala
nananalasang sakit na ito'y nakakahawa

frontliners na doktor, nars, kayrami nilang namatay
upang sagipin nila sa sakit ang ibang buhay
sa mga frontliner, taos-puso pong pagpupugay
salamat! nawa'y di kayo magkasakit! mabuhay!

- gregbituinjr.