Biyernes, Abril 17, 2020

Magugutom ka ngunit gagawa ka ng paraan

Magugutom ka ngunit gagawa ka ng paraan

magugutom ka ngunit gagawa ka ng paraan
anumang mga ginagawa'y tiyak mong iiwan
maghahanap ng makakain, lalamnan ang tiyan
laking gubat man, gutom ay kaya nilang iwasan

"matter over mind", pag naramdaman mong kumakalam
ang sikmura'y tiyak hahanap ng kanin at ulam
laging nakaplano ang pagkain, ito na'y alam
kahit taong grasa'y di payag sikmura'y kumalam

mag-isip ng paraan nang di magutom ang anak
walang namamatay sa gutom, igalaw ang utak
maraming namatay dahil tinokhang o sinaksak
subalit sa gutom, di namatay o napahamak

ang epekto ng gutom ay di kamatayan agad
magkakasakit muna, ulser? kanser? malalantad
baka buong panahon mo'y sa ospital bababad
mamamatay ka sa ospital sa laki ng bayad

mga ibon nga sa himpapawid, nakakakain
ikaw pang taong may isip, alam mo ang gagawin
aso o pusang gala, taong gubat man, kakain
sa tusong matsing, gutom ay napaglalalangan din

di pwedeng "mind over matter", isipin mong busog ka
sa panahon ng lockdown ay isipin mong busog ka
aba'y magugutom ka pag di ka kumain, tanga
"matter over mind", pagkalam ng tiyan, kumain ka

- gregbituinjr.

Walang komento: