Lunes, Mayo 6, 2024

Muling nilay

MULING NILAY

narito na namang tumunganga
sa kawalan, tila parang bula
ang kaninang di ko matingkala
kung iyon nga ba'y gabok sa luha

kaya tinanganan ko ang pinsel
upang iguhit ang mga anghel
subalit bakit nalikha'y baril
na tangan ng mga trapong taksil

sa bayan, sabayan ang pagbigkas
ng mga tula ng sawing pantas
habang pinipiga kong malakas
ang isang kahel upang kumatas

minasdan ko ang buwan sa langit
at naroong bituing marikit
naninilay ko'y sinambit-sambit
at pinakinggan kung walang sabit

- gregoriovbituinjr.
05.06.2024

Dalawang lola, nadisgrasya

DALAWANG LOLA, NADISGRASYA

dalawang balita sa magkaibang dyaryo
dalawang lola ang namatay, ulat dito

isang lola'y tumawid at nasapul ng trak
nahati ang katawan, sadyang napahamak

isang inang kaytanda na'y patay sa sunog
na tinurong sanhi ay charger na pumutok

mga balitang ang puso mo'y wawakwakin
lalo't tulad nila, tayo'y tumatanda rin

kaya mag-ingat tayo sa ating pagtawid
baka mabagal ang lakad pa't masalabid

mag-ingat din sa pagtsa-charge ng ating selpon
lalo na ngayong kay-init pa ng panahon

mag-ingat, magpalakas, habang tumatanda
parang boyskawt daw, dapat lagi tayong handa

maggulay na't uminom pa ng bitamina
at mag-ingat upang malayo sa disgrasya

- gregoriovbituinjr.
05.06.2024

* mga headline mula sa pahayagang Bulgar at pahayagang Pang-Masa, ika-6 ng Mayo, 2024

Tahong ang pananghalian

TAHONG ANG PANANGHALIAN

kaysarap niring pananghalian
na sa karinderya nabili lang
nilagang tahong ngayon ang ulam
na talaga namang malinamnam

sinabawang tahong na may talbos
na nabili kong sisenta pesos
pananghalian ko'y nakaraos
labinlimang tahong ang naubos

lumalabas, kwatro pesos isa
ng tahong, na sabaw pa'y malasa
di na mawawala sa panlasa
ang seafood na nakahiligan na

basta iwasan lang ang magkarne
katawan na'y parang minasahe

- gregoriovbituinjr.
05.06.2024

Salita

SALITA

napakahalaga ng salita
dito tayo nagkakaunawa
may ibig sabihin ang kataga
sa pakikipag-usap sa kapwa

salitang sinasambit ng bibig
katagang sinasambot ng kabig
sa harana'y handog ng pag-ibig
sa dukha'y hiyaw nang kapitbisig

mga salitang dapat masulat
kwento, sanaysay, tulang may sukat
at tugmang sa masa'y mapagmulat
akdang sa aklat ay mabubuklat

at mabasa sa mga aklatan
mga balita sa pahayagan
sa paghibik ng may karamdaman
sa tsismisang nauulinigan

wikang pambansa'y ating linangin
sariling salita ang gamitin
pati na sa tulang bibigkain
sa harap ng madla upang dinggin

- gregoriovbituinjr.
05.06.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect