PAGKAPASLANG SA AGILANG SI PAMANA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
agilang si Pamana'y pamana ng lahi
pagkapaslang sa kanya’y kawalan ng budhi
ang nangyari sa agila’y di ko mawari
sa mga tulad niya'y sinong namumuhi
ah, kayraming Pamana na ang pinapaslang
sa ngalan ng globalisasyon nilang hirang
di lang agila ang nawawalan ng puwang
sa daigdig na puno ng may pusong halang
pinapaslang nila pati sariling wika
sa paaralan nga'y binubura nang paksa
pagkat Ingles daw dapat ang sinasalita
baka paksang kasaysayan din ay mawala
pinapaslang pati na ang ating kultura
tayo raw dapat ay makipagsabayan na
sa pag-unlad ng kapitalistang sistema
katutubong ugali’y pilit binubura
ang mga dukha'y tinatapon sa malayo
lupa’y inaagaw sa mga katutubo
kayrami ng lupaing miniminang ginto
ang nawalang Pamana'y makadurog-puso
di dapat nangyaring napaslang si Pamana
di dapat mangyaring mapaslang ang pamana
ng lahi, ipagtanggol ang ating kultura,
ang kalikasan, espesye, wika, historya
* Ayon sa mga ulat, ang agilang si Pamana, 3 tatlong gulang, ay natagpuang wala nang buhay at may tama ng bala, pinaslang siya sa kagubatan ng Davao Oriental, Agosto 19, 2015.