ANG AKLAT PARA SA AKIN
pagbili ng libro'y nakahiligan
sa bookstore o mga book festival man
tungkol sa kasaysayan, pahayagan,
tula, kwento, sanaysay, panitikan
dahil ako'y makata, manunulat
ng mga tula't kwentong mapangmulat
na pampanitikan ang binubuklat
sari-saring akda'y binubulatlat
may dyaryong Taliba ng Maralita
kung saan kwento ko'y nalalathala
mga pahayag ng samahan, tula
na nais kong maisalibro din nga
balak kong makagawa ng nobela
hinggil sa pakikibaka ng masa
wawakasan ang bulok na sistema
wawakasan ang pagsasamantala
pangarap kong maisaaklat iyon
isa iyan sa dakila kong layon
na burgesya'y sa lupa maibaon
lipunang asam ay itayo ngayon
- gregoriovbituinjr.
04.05.2025
Sabado, Abril 5, 2025
Coed, nagpatiwakal
COED, NAGPATIWAKAL
bakit naisip magpatiwakal?
ng isang coed sa paaralan
mula ikaapat na palapag
siya'y tumalon, anong dahilan?
iniwan ba siya ng kasuyo?
at labis niyang dinamdam iyon?
pagsinta ba sa kanya'y naglaho?
aba'y anong sakit naman niyon!
sa eksam ba'y mababa ang grado?
nahihiyang di makapagtapos?
may mental health problem kaya ito?
na problema'y di matapos-tapos?
nagpapakamatay na'y kayrami
pangyayaring ganito'y kaylupit
nadagdagan pa ng estudyante
kahit may batas na sa Mental Health
- gregoriovbituinjr.
04.05.2025
* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 5, 2025, p.2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)