Linggo, Mayo 16, 2021

Potasyum para sa halamang tanim

POTASYUM PARA SA HALAMANG TANIM

minsan, masarap ding magsaging matapos kumain
lalo na't saging ay potasyum, pampalakas na rin
subalit huwag ibasura ang balat ng saging
kundi ihalo sa lupa kasama ng pananim

sapagkat kahit balat ng saging ay may potasyum
na pampalusog din sa mga tinanim mo doon
pareho kayong panalo, parehong may potasyum
nabusog ka na sa saging, pati tanim mong iyon

magtanim sa paso, maging magsasaka sa lungsod
kamatis, sili, munggo, iba pa't nakalulugod
balat ng latundan at saba animo'y alulod
habang tanim mo'y dinidiligan ng sunod-sunod

sa umaga't dapithapon magdilig ng halaman
at potasyum ng saging sa lupa'y bababa naman
tanim mo'y huwag lang sa tanghaling tapat diligan
upang sa tubig ay di agad iyon matuyuan

potasyum ay kailangan, pampatibay ng buto
kumain ng saging kahit minsan sa isang linggo
subalit huwag basta itapon ang balat nito
kundi gawin mong potasyum sa mga pananim mo

- gregoriovbituinjr.

Ang nais kong iulam

ANG NAIS KONG IULAM

kasama rin ba kita sa aking paninindigan
at prinsipyong isinasabuhay kong kainaman
tulad ng isinasaad sa aking kasuotan
sabi: "I am a vegetarian and a budgetarian."

sadyang iniwasan ko na ang pagkain ng karne
pinili kong buhay tulad sa bayang nagsisilbi
halina't magtanim tayo ng gulay, magparami
upang balang araw may mapipitas tayo, pare

lumaki akong hinahanap ko'y isdang galunggong
na sinasawsaw ko sa kalamunding at bagoong
habang binibili ko sa palengke'y okra't talong
talbos ng kamote, habang sinasangag ang tutong

ang tanong ko lamang: mahilig ka rin ba sa laman
ng baboy, manok, baka, kambing, o katulad niyan
sakali bang makasama mo ako'y igagalang
ang aking tindig kung ano ang nais kong iulam

maraming salamat kung ako'y naunawaan mo
sakali mang di mo ako samahan sa prinsipyo
talbos na sapaw sa kanin, sitaw na inadobo
nilagang okra, ah, ayos na ako sa ganito

- gregoriovbituinjr.

Tinig sa karimlan

narinig mo rin ba ang tinig na aking narinig
na dama kong sa lalamunan ay nakakabikig
panahon pa ba itong punung-puno ng ligalig
na dama mong may aninong sa iyo'y nakatitig

dahil ba may multo o dahil may banta ng tokhang
multo ba'y guniguni't mga patay na nilalang
tokhang naman ay mga buhay na nais mamaslang
sinong dapat katakutan mo kundi mga halang

dapat umuwi na ng bahay pagsapit ng dilim
baka sa disoras ng gabi'y dumatal ang lagim
di pa dahil sa multo pag natulog ng mahimbing
kundi sa tokhang na krimen ngang karima-rimarim

kanino ka matatakot, sa patay o sa buhay
sa multong likha lang ng guniguni nilang tunay
o sa buhay na sadya namang kaya kang mapatay
kayrami nang tinokhang at naghambalang na bangkay

muli, pakinggan ang tinig na iyong naulinig
sumisigaw ba ng hustisya ang iyong narinig
o baka kasa na ng baril ay di mo pa dinig
ikaw na pala'y puntirya, dapat silang mausig

sadyang anong lupit ng may-atas, bu-ang talaga
kahit tanungin mo ang mga namatayang ina
naghihinagpis sa pagkawala ng mahal nila
silang nananawagan ng panlipunang hustisya

- gregoriovbituinjr.

Parusa sa di nakadalo

PARUSA SA DI NAKADALO

ano kayang parusa sa mga di nakadalo
sa anumang aktibidad tulad ng pulong dito
paano pag organisasyon ay nagkokongreso
anong parusa sa mga pinunong wala rito

sakanian daw, ayon sa isang talatinigan
sakantan naman kung tawagin sa bayan ng Lucban
pagluhod kaya sa balatong ang kaparusahan
o pagmumultahin lang yaong sa pulong lumiban

kaya ba di dumalo'y may di maiwasang sanhi?
baka namatayan o may aksidenteng masidhi?
di ba makalakad, mahina ang tuhod at binti?
pag naparusahan ba'y mananatiling kasapi?

masusing pananaliksik ang kakailanganin
upang mabatid bakit may sakanian sa atin
anong batas ang nakasasakop dapat alamin
sinong datu o raha ang nag-atas upang tupdin

- gregoriovbituinjr.

* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1080