Huwebes, Disyembre 14, 2023

Likis - pagsukat ng sirkumperensya

LIKIS - PAGSUKAT NG SIRKUMPERENSYA

naintriga ako sa tanong sa palaisipan
"pagsukat ng sirkumperensya", anong katugunan
di nagsirit, sinagot muna'y pababa't pahalang
hanggang lokal na salitang LIKIS ang natagpuan

LIKIS ang tawag sa pagsukat ng sirkumperensya
sirkumperensya nama'y LIKOS sa Waray talaga
LIKIS ang pagsukat ng LIKOS, mapapatango ka
sa palaisipan nati'y nahahasa tuwina

sa geometriya, ang LIKOS ang sukat ng bilog
pag binuksan at inunat, itinuwid ang hubog
o yaong perimetro, haba ng arko ng bilog
LIKIS at LIKOS, nalito ba't salita'y kaytayog?

LIKIS at LIKOS ay likas pala nating salita
salamat at natagpuan din ang ganyang kataga
na magagamit sa sipnayan, liknayan, pagtula
lalo na sa pagtataguyod ng sariling wika

- gregoriovbituinjr.
12.14.2023

* mula sa Krosword Puzzle Aklat 2, Tanong 8 Pababa, pahina 56
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 698
* sipnayan - math; liknayan - physics

Salamat sa aklat

SALAMAT SA AKLAT

taospuso akong nagpapasalamat
sa bigay sa aking anong gandang aklat
ng bunying makatang kayhusay sumulat
ng bugtong na tulang nakapagmumulat

aming dinaluha'y isang pagtitipon
ng mga makata nang iabot iyon
sa pamagat pa lang ay mapapalingon:
"Ang Tula Ko'y Bugtong, Ano'ng Iyong Tugon"

ilang taon na ring di kami nagkita
sa bahay ni Raul Funilas ang una
kamakatang Jason Chancoco'y kasama
na pawang makatang magaling talaga

ikalawa nama'y doon sa tulaan
nag-alay ng tula sa kapanganakan
ng bunying Supremo nitong Katipunan
piyesa'y binigkas sa harap ng tanan

bagamat sa pesbuk magkitang madalas
pagkat panulaan kapwa'y nilalandas
sadyang sa personal, tuwa'y mababakas
pagbati, makatang Danilo C. Diaz

- gregoriovbituinjr.
12.14.2023

* ang nasabing aklat ay ibinigay sa inyong lingkod ng makatang Danilo C. Diaz sa aktibidad na "Supremo: Konsiyerto ng Tula at Awit, Parangal sa ika-160 Kaarawan ni Gat Andres Bonifacio", UP Hotel, UPD, 11.27.2023