Biyernes, Hulyo 6, 2012

Halina't Ipalaganap ang Baybayin


HALINA'T IPALAGANAP ANG BAYBAYIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"Itong Katagalugan, na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawahan. Bata’t matanda at sampu ng mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog." - Gat Andres Bonifacio, sa kanyang sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog"

inamag na ba sa dahon ng kasaysayan
yaong panulat nating tawag ay baybayin
pamana ng ninuno'y pinababayaan
tila wala na ritong nais pang pumansin

ngunit bakit ba pilit kinakalimutan
ang sariling panulat ng ninuno natin
tila tayo binunot sa pinag-ugatan
memorya ng bayan ay tinaboy sa hangin

maglabas tayo ng sariling pahayagan
na ang gagamiting panulat ay baybayin
isabaybayin natin ang balita’t agham
tula, sanaysay, krosword, kwento't lathalain

ito'y isang masalimuot na usapin
na dapat nating pag-isipan, pag-usapan
ang pondo't makinarya'y saan manggagaling
sinong magdidibuho nitong pahayagan

sa antigong baul hinango ang baybayin
gayong nakapaloob sa puso ng bayan
binhi nito'y ating ihasik, palaguin
hanggang lumaganap sa buong kapuluan

halina't simulan ang banal na mithiin
narito ang ating lakas at unawaan
payak na hiling na ito'y marapat dinggin:
dapat nang buuin ang isang patnugutan

* Ayon sa talababa sa unang pahina ng Kartilya ng Katipunan, sa salitang "Tagalog," kahulugan ay "lahat ng tumubò sa Sangkapuluang ito" ng mga pamayanang taga-ilog. Idinagdag pa ng talababang iyon na "Samakatuwid, Bisaya man, Iloco man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din." Sa katunayan, pawang magkakasingkahulugan naman ang mga katagang Tagailog, Ibanag, Ilokano, Kapampangan, Sugbohanon, Subanon, Subanen, Agusan, Tausug, atbp.