Huwebes, Marso 11, 2021

G, GA, GARA, GARAPA, GARAPATA

G, GA, GARA, GARAPA, GARAPATA

G
lagi kong nakikita lalo na't may kaugnayan
umpisang letra ng Gregorio, Gorio, aking ngalan
malalaking simbolo ito: Ground Floor, Globe, Gmail man
at doble G kapag galunggong ang nasa isipan

GA
minsan, iyan ang tawag ko sa tangi kong palangga
pagkat iniibig ko't sa akin nag-aalaga
lalo't sa dambana ng magigiting ay sumumpa
magsasama sa hirap, ginhawa, ligaya't luha

GARA
isang salitang tumutukoy sa magandang ayos
ng ilang bagay-bagay sa natatanaw nang lubos
sa mata'y humahalina, sa puso'y tumatagos 
pagod man, pag may magara, dama'y nakakaraos

GARAPA
maliliit na bote itong sinisigaw nila
"bote, dyaryo, garapa" yaong hiyaw sa kalsada
kung mayroon ka niyan, sa kanila na'y ibenta
pagkat ireresiklo, may pera nga sa basura

GARAPATA
sa likod ng aso ang garapata'y gumagapang 
kaya kamot ng kamot ang asong di na malibang
pag ang alaga mong aso'y iyong pinaliguan
laking ginhawa niya't kaysarap ng pakiramdam

- gregoriovbituinjr.

PALA, PALAG, PALAGA, PALAGAY

PALA, PALAG, PALAGA, PALAGAY

PALA
ganyan naman pala ang paggamit ng mga pala
kaya pinagpapala ang obrero't magsasaka
gamit sa konstruksyon o sa lupa'y pambubungkal pa
o "kaya pala" ang boladas ng iyong amiga

PALAG
kahit natatakot ka, dapat ka na ring pumalag
pag karapatang pantao ng kapwa'y nilalabag
lalo na't may mga karahasang dapat ibunyag
natatakot man, ipakitang di ka natitinag

PALAGA
palaga naman ng dala kong kamote, kapatid
at pagsaluhan natin itong binungkal sa bukid;
palaga naman ng itlog, pakiusap ko'y hatid
sa iyong ang kahusayan sa pagluto'y di lingid

PALAGAY
palagay ko'y dapat lamang respetuhin ninuman
ang wastong proseso, due process, ating karapatan
kapalagayang-loob ko'y pinakikiusapan
palagay naman ng mga ito sa paminggalan

- gregoriovbituinjr.

U, UN, UNA, UNAN, UNANO

U, UN, UNA, UNAN, UNANO

U
isa sa mga gamiting titik sa alpabeto
isa rin sa limang patinig pag inuri ito
tanong: anong letra ito, tugon ko agad ay "You!" 
oo, Ikaw, at nakapatungkol ito sa iyo

UN
unlapi sa Ingles na kinakabit sa unahan
ng salita, na sinasalungat ang kahulugan
tungkol din sa United Nations na pandaigdigan
ang Nagkakaisang Bansa, misyon ay magtulungan

UNA
una-una lang iyan, ang sabi ng kumpare niya
nang mamatay ang kaibigang galante, masaya;
sa paligsahan sa pagtakbo, tiyaking manguna
upang maging kampyon, sungkitin ang gintong medalya

UNAN
dapat maging maalwan ang posisyon sa pagtulog
unan iyang sasalba upang di basta mauntog
sakali mang sa kagagalaw sa kama'y mahulog
habang nasa panaginip ang mutyang maalindog

UNANO
mga unano'y huwag mong apihin o hamakin 
dahil ba maliit, sila na'y iyong mamatahin
sila'y kapwa tao mo't may mga karapatan din
may mga ambag din sa mundo, dapat respetuhin

- gregoriovbituinjr.