Miyerkules, Hunyo 25, 2025

Ang batong mukhang bungo

ANG BATONG MUKHANG BUNGO

napansin mo rin ba sa litrato
mukhang bungo ang malaking bato
ano ito? paramdam ba ito?
buti't matatag pa ang loob ko

o marahil ay imahinasyon
ko lamang bilang makatâ iyon
tanghaling tapat at bandang hapon
nang naligo ako't kunan yaon

paramdam man, ang bato ay bato
sintigas ng bato dapat ako
di basta magiba ang tulad ko
baka mensahe iyong totoo

parang makatang Huseng Batute
sabi nga, bato, Bato, Batute
matatag, di agad masasawi
ang laban ay maipagwawagi

sa aking danas maidaragdag
na payo, dapat huwag mangarag
problema'y harapin, di umilag
ika nga nila, maging matatag 

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1Bj2NF5bXu/ 

Lagaslas ng ilog

LAGASLAS NG ILOG

kaysarap pakinggan ng lagaslas
ng tubig sa dinaanang ilog
sa kalikasang aming nilandas
na laksa ang tutubi't bubuyog 

bahagi pa rin iyon ng ritwal
ng mga katutubo sa patay
na paaagusin ang anuman
upang bumuti ang ating buhay

lagaslas ay pinagnilayan ko
pinakinggan ang bawat pag-usad
ng tubig sa batuhang narito
na buti ng kapwa yaong hangad

lagaslas ay tiyak di hihinto
katiwasayan ang mahahango

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/16u18xRD6W/ 

Siling pasiti

SILING PASITI

kayraming siling pasiti sa bundok 
na mas maanghang sa siling labuyo
kaylilinggit, ngunit tiyak uusok
ka sa anghang pag nalasap mong buo

sa toyo't kamatis, hinalo namin 
upang tilapya't talbos ay sumarap
pasiti ay pampaganang kumain
baka matupad ang mga pangarap

pasiti ay tumutubo sa ilang
pinanguha nang pumunta ng ilog
bagamat sadyang kaytindi ng anghang
sa inuulam ay iyong isahog

kung kapoy ka, kumain ng pasiti
at gaganahan ka sa ganyang sili

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1JJDVz8vCA/ 

Likhang gripo sa bundok

 

LIKHANG GRIPO SA BUNDOK

tinusok lang sa pagitan ng bato
ang palapa ng saging, naging gripo
may panghugas na pag nag-isis tayo
ng mga pinggan, kawali, kaldero

tubig ay mula roon sa palayan
na pampalusog sa mga halaman
kung iinumin ito'y pakuluan
ingat at baka masira ang tiyan

kung magbabanlaw matapos maligo
sa ilog at matanggal yaong hapo
suliranin animo'y maglalaho
bagamat may problema pang naghalo

O, Kalikasan, salamat na tunay
sa lahat ng iyong mga binigay
salamat sa pinalago mong palay
upang bayan ay talagang mabuhay

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/18HGD36CUc/ 

Pangunguha ng cherry tomato

PANGUNGUHA NG CHERRY TOMATO

sa landas na malapit sa ilog
tanim ay mga cherry tomato
aba'y kaysarap lalo na't hinog
ang mumunting kamatis na ito

kaysarap din nitong ipang-ulam
kasama mga nahuling isda
na iniluto at sinabawan
at tiyak, mabubusog kang sadya

habang iyo pa ring naririnig
yaong tubig na lumalagaslas
mga palay din ay nakatindig
ilang linggo pa bago magapas

sa mga bigay ng kalikasan 
kami rito'y nagpapasalamat
sa mga tanim ditong anuman
sa tubig, ilog, ulan, salamat 

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1Ap8Cisznu/ 

Lagaslas sa dalisdis

LAGASLAS SA DALISDIS

may munting talon sa inakyat na dalisdis
sa kabundukang kanina'y aming nilandas
katiwasayan sa puso'y walang kaparis
payapang diwa'y akin namang nawatas

bagamat narito pang nagdadalamhati
lagaslas ay musikang kaysarap pakinggan
ngunit kakayanin ko, puso man ay sawi
at pagkatulala yaong nararamdaman

nasa bundok pa't patuloy na nagninilay
ay, kayrami pang utang na dapat bayaran
nagmumuni-muni sa kabila ng lumbay
ang bawat suliranin ay may kalutasan

nakatitig sa kawalan, kaylayong tingin
habang amihan ay tila may ibinubulong 
habang dumadampi sa pisngi ko ang hangin
kapanatagan ng loob ang isusulong

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/16kK6fc9Gs/ 

Makatâ, makatao, makatayo

MAKATÂ, MAKATAO, MAKATAYO 

"Poets are the unacknowledged legislators of the world." ~ Percy Byshe Shelley
"Poetry is an echo, asking a shadow to dance." ~ Carl Sandburg 
"Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." ~ Ho Chi Minh

nag-iisang ispesyi ang tao
na kaiba sa hayop at ibon
na kaiba sa isda't dinasour
na kaiba sa reptilya't mammal
na kaiba sa tilas at kagaw
na kaiba sa lamok at bangaw

subalit bakit nagpapatayan
inagaw ang lupang Palestinian
nagdigma ang Israel at Iran
cold war ng Russia at America
digmaan ng Pakistan at India
West Philippine Sea, nais ng China

kaming makata'y ito ang samo:
tayo'y dapat maging makatao
huwag sakim, maging makatayo 
unahin kagalingan ng tao
itigil ang gera doon, dito
nag-iisang ispesyi lang tayo

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* ang pamagat ay mula sa isang aktibidad hinggil sa karapatang pantao
* litrato mula sa google

Angep

ANGEP

may angep o fog sa kabundukan
sa kalapit lang nitong tahanan
kaya umaga'y kayginaw naman
at nanginginig itong katawan

tumatagos sa suot kong jacket
ang nadaramang ginaw, subalit
narito't binidyuhan ang angep
upang maitula ang naisip

ang kapaligiran pa'y mahamog
ang musika'y tilaok ng manok
mamaya'y muling tutungong ilog
upang sa pagligo'y makilahok

ay, angep, tila anghel sa ulap
sa akin animo'y nangungusap:
matutupad ang pinapangarap
na unang nobela'y maging ganap

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* angep - fog sa Ilokano
* bidyong kuha ng makatang gala na mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/AI2EVyG3ac/ 

Tilaok ng manok

TILAOK NG MANOK

madaling araw na
aba'y gumising ka
mag-uumaga na
pagtilaok nila

ako na'y tumayo
antok na'y naglaho
anumang nahulo
ay isulat na po

tila paglalambing
nang ako'y ginising
mula sa paghimbing
at pagkagupiling

ako pa'y nahagok
at napapalunok
nang magsitilaok
itong mga manok 

dapat nang maghanda
sa muling pagkatha
ng tula't pabula
gising na ang diwa

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* munting bidyong kuha ng makatang gala na mapapanood sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/14x9stKv5y/ 

Gansal sa madaling araw

GANSAL SA MADALING ARAW

ikaw pa rin ang nasa isip
tila ako'y nananaginip
sa dibdib ika'y halukipkip 
sinta kong walang kahulilip

nagising ng madaling araw
lalo't dama ko'y anong ginaw
bumangon, binuksan ang ilaw
habang nasa diwa ko'y ikaw

bawat araw ko'y kakayanin
iyon ang nais mong gagawin
ko, katawan ko'y palakasin
at unang nobela'y tapusin

pag madaling araw babangon
at isip na'y naglilimayon
maraming kabanata roon
ay pagtalakay sa kahapon 

- gregoriovbituinjr.
06.25.2025

* GANSAL - katutubong tulang may siyam na pantig bawat taludtod