Huwebes, Hunyo 30, 2011

Isang Kahig, Isang Tula

ISANG KAHIG, ISANG TULA
(Ganyan Kaming Makatang Dukha)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

yaong makata'y nagdaralita
siya'y isang kahig, isang tula
ang pakiramdam nya'y isinumpa
kaya nanatili siyang dukha

pag naging bisyo mo ang pagtula
dapat lang na ikaw'y maging handa
alam mong walang pera sa tula
ngunit patuloy ka sa pagkatha

pagkat isang sining ang pagtula
na alay sa masa't manggagawa
kahit bawat kahig, isang tula
ang makatang sangkahig, santuka

patuloy ang buhay ng makata
sa maramdamin niyang pagkatha
sa matindi niyang pagtuligsa
sa pagsangkot sa isyu ng madla

tuloy ang paglikha ng makata
ng tulang larawan ng adhika
kahit bahagya nang makatuka
siya'y patuloy pa ring kakatha