Huwebes, Marso 3, 2022

Sa hagdanan

SA HAGDANAN

aakyatin ko ang kalangitan
ng mga diyos ng kapalaran
upang iprotesta ang kawalan
ng ginhawa nitong taumbayan

bakit para kayong mga bingi
sa hinaing ng kumain dili
nahan kayo sa daing ng api
kundi sa sofa n'yo nawiwili

bakit para kayong mga bulag
gayong sikreto'y ibinubunyag
sinong nagparusa sa lagalag
na dukhang wala namang nilabag

tama lang ibagsak kayong poon
ng salot na kontraktwalisasyon
deregulasyon, pribatisasyon
na pahirap lang sa madla't nasyon

akyatin na ang hagdan ng langit
at ibagsak ang poong kaylupit
upang ang sistemang nasa bingit
ay mapalitan na nating pilit

- gregoriovbituinjr.
03.03.2022

Distansya

DISTANSYA

kami ni misis ay magkasama
di maghiwalay, laging kaisa
maliban kung nasa opisina
dahil magkalayo ng distansya

buti na lang, may selpon na ngayon
at nagkakausap kami roon
long distance man ang tawagang iyon
nagkakatalamitam maghapon

na malayo man ay malapit din
aking diwata'y haharanahin
pakikinggan ang aking awitin
na di naman kuliglig kung dinggin

magkalapit ngunit magkalayo
gaano mang agwat niring puso
pandemya man, tuloy ang pangako
sa sinisinta't tanging kasuyo

- gregoriovbituinjr.
03.03.2022

Manggagawa naman

MANGGAGAWA NAMAN

sigaw namin: Manggagawa Naman!
hiling na para sa kaligtasan
ng uri at bayan, panawagang
tagos sa aming puso't isipan

lalo na't pulos hunyango't trapo
ang kunwa'y nangangako sa tao
gagawin iyon, gagawin ito
pangakong napapako sa dulo

wakasan ang bulok na sistema
ng mga trapo't kapitalista
Manggagawa Naman, aming pasya
kauring lider para sa masa

kaibigan, tayo'y magsibangon
at ito na ang tamang panahon
ang boto sa manggagawa ngayon
ay para sa pagbabagong layon

ibalik ang dignidad ng tao
na winasak ng kapitalismo
obrero'y ipagwaging totoo
sa Senado, at bilang Pangulo

- gregoriovbituinjr.
03.03.2022