Miyerkules, Agosto 7, 2019

Tibuyô

TIBUYÔ

Mayroong pagpapahalaga sa kinabukasan
Ito ang naiisip ng ama sa mga anak
Kaya binigyan ng tig-isang tibuyong kawayan
Upang samutsaring barya'y doon nila ilagak.

Iyon marahil ang lunas sa kakapusan nila
Habang pinapangarap ang buhay na maginhawa.
Dapat mag-ipon, magsikap sa kabila ng dusa
Upang sa hinaharap, tuwa'y papalit sa luha.

At malaking hamon ang pag-iipon sa tibuyô
Papiso-piso muna, limang piso, sampung piso.
At ang paniwala ng magkapatid ay nabuô
Maliit, lalago, tulad ng ambong naging bagyo.

Tibuyo'y pupunuin ng pagsuyo't pagsisikap
Upang balang araw, maabot nila ang pangarap.

- gregbituinjr.

*TIBUYÔ - tagalog (Batangas) sa salitang Kastilang 'alkansya'



* Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2019, p. 20

Halina't makibaka, huwag matakot sa ulan

umuulan na naman, habang sa rali'y papunta
mabuti na lang, may sumbrero't dyaket akong dala
dahil sa komitment at isyu'y kasama ng masa
kahit na umuulan, tuloy sa pakikibaka

sumuong man sa ulan, patuloy kami sa rali
upang dalhin sa kinauukulan ang mensahe
dapat pababain nila ang presyo ng kuryente
dapat maging polisiya'y renewable energy

may mahal na kuryente sa Asya'y pangalwa tayo
mula pa planta ng coal ang mga kuryenteng ito
napakaruming kuryente, kaytaas pa ng presyo
aba'y mag-renewable energy na dapat tayo

halina't makibaka, huwag matakot sa ulan
at patuloy nating paglingkuran ang sambayanan

- gregbituinjr.
* Nilikha ang tulang ito habang papunta ng rali sa Department of Energy (DOE) sa Bonifacio Global City (BGC), Agosto 7, 2019. Kasama sa pagkilos na ito ang mga grupong Power for People Coalition (P4P), Sanlakas, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Center for Ecology, Environment and Development (CEED), Piglas-Kababaihan, Oriang, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ).

Kumilos ka, dukha

KUMILOS KA, DUKHA

dukha'y mahirap na nga
ay patunga-tunganga
kumilos ka na, dukha
bago mapariwara

halina't magsibangon
bansang ito'y iahon
ang tikatik na ambon
baka unos paglaon

ang dukha'y naging sawi
dahil sa hari, pari
at elitistang uri
silang kamuhi-muhi

ang pari pag nangusap
mapalad ang mahirap
huwag ka nang magsikap
may langit kang pangarap

kaya may hari dahil
diyus-diyusang sutil
sa lupa kunwa'y anghel
ngunit sa masa'y taksil

kunwa'y may dugong bughaw
silang mga bakulaw
na sa mundong ibabaw
ay naghaharing bangaw

may iba silang mundo
daigdig ng hunyango
pulos pera't maluho
at budhi'y mababaho

burgesyang talusaling
ang sa mundo'y umangkin
mga dukha'y alipin
sa sariling lupain

dahil may panginoon
kayraming panginoon
dapat ibagsak iyon
at bayan ay ibangon

dukha, mag-aklas ka na
ibagsak ang burgesya
tayo'y maghimagsik na
baguhin ang sistema

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Agosto 1-15, 2019, p. 20