Biyernes, Abril 24, 2009

Mabuhay ang mga Titser Cora

MABUHAY ANG MGA TITSER CORA
tula ni Matang Apoy

(ang tulang ito'y tugon sa napakagandang tula ni Iltabenla sa multiply)
http://iltabenla.multiply.com/journal/item/95/TULAMBUHAY_NI_TITSER_CORA

Mabuhay si Titser Cora at tulad niyang guro
Na ang buong buhay ay inilaan sa pagtuturo
Ang pagiging matanda'y di dapat magpahinto
Mga dedikadong tulad niya'y di dapat maglaho.

Di man kita nakadaupang-palad, Titser Cora
Ganap naman kitang nakilala dahil kay Iltabenla
Dahil sa kanyang tulang alay na ang ibinunga
Ay tunay na inspirasyon sa nakararaming masa.

Bakit ba sa Ingles at sa dayuhan tayo ay yuyukod?
Bakit ba sa globalisasyon tayo ay pinaluluhod?
Ang wikang sarili ba'y di na dapat itaguyod?
At sa call center na lang tayo dapat maglingkod?

Sa mga mag-aaral ay talagang isa kang ina
Ang paaralan ay isa mo nang malaking pamilya
Kaya sa pagtuturo'y dapat ngang magpatuloy ka
Saludo kami sa iyo, dakilang guro, Titser Cora.

Maraming salamat sa iyo, kaibigang Iltabenla
Sa iyong magandang tula sa mga Titser Cora
Alam kong marami pang Titser Cora sa kanila
Na dapat lang na sa pagtuturo'y magpatuloy pa.