Martes, Enero 3, 2023

Ugat

UGAT

di lang mula sa nagnaknak kong sugat namulaklak
ang mga tulang sa nagdugong puso'y nagsipatak
mas pa'y mula sa paglaban ng mga hinahamak
upang dignidad bilang tao'y kilalaning tiyak

kadalasang nag-ugat diyan yaring iwa't katha
na kung gumaling man ay balantukan pa ring sadya
bakit karapatan ay laging binabalewala?
habang may inaapi, sugat ay nananariwa

at pag narinig ko yaong mga impit at hibik
ng pinagsasamantalahan ng kuhila't lintik
ay agad sasaklolo gamit ang angking panitik
upang ilantad ang kanilang sugat na dinikdik

sa katampalasanan karaniwang nag-uugat
kaya nakakakatha't layon ay makapagmulat

- gregoriovbituinjr.
01.03.2023

Nilay

NILAY

napagbulay-bulay
ang maraming bagay
habang nagninilay
ay di mapalagay

dinamdam ang lumbay
ng walang karamay
dinaan sa tagay
at mata'y pumungay

wika'y malumanay
nang biglang dumighay
pilapil, binaybay
tinawid ang tulay

walang nakasabay
nang malangong tunay
naghikab, humimlay
sa daan lupasay

- gregoriovbituinjr.
01.03.2023

Igalang ang karapatang mag-unyon

IGALANG ANG KARAPATANG MAG-UNYON

igalang ang karapatang mag-unyon
ito'y nasusulat sa Konstitusyon
karapatang niyurak hanggang ngayon
ng mga dorobo't bundat na leyon

ito'y taal na karapatan natin
bilang obrero't sahurang alipin
bakit ipinagkakait sa atin?
ang karapatang dapat nating angkin?

bakit kailangan pang ipaglaban?
kung ito'y sadya nating karapatan?
di lamang may-ari ng pagawaan
at negosyante ang may karapatan

na pulos tubo lang ang nasa diwa
ngunit walang puso sa manggagawa
yaman lang nila ang dinadakila
habang obrero nila'y dusa't luha

ah, panahon nang sistema'y makalos
ng obrerong sama-samang kikilos
pagkat sila lang ang tanging tutubos
sa kanilang kalagayang hikahos

- gregoriovbituinjr.
01.03.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa harap ng DOLE, 11.21.2022