MAGRERETIRO NA SI INAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
ilang buwan na lang, magreretiro na si Ina
magtatapos na rin ang kanyang buhay-opisina
sa Setyembre'y bagong buhay ang haharap sa kanya
pagkat pareho na silang retirado ni Ama
maraming salamat, Ina, sa iyong mga payo
sa pagmamahal mo't sa mga anak ay pagsuyo
sa mga dinaanang pagsubok, di ka sumuko
pinakita mong matatag ka't laging nakatayo
bata pa kami'y kayo na ang nagbigay sa amin
ng mga pangangailangan namin at gastusin
at kami mang anak nyo'y may sariling buhay na rin
kami'y naririto't kayo'y aalagaan namin
ginabayan nyo kami noong aming kabataan
inaruga kami, pinag-aral, sinubaybayan
tinuruang tumayo sa sarili't manindigan
kaya inabot ngayon ang aming kinalalagyan
ilang beses mang ang puso nyo'y aming pinadugo
naging matatag kayo, tumindig, di nasiphayo
lahat ng anak binigyan ng magagandang payo
pagmamahal nyo sa mga anak ay di naglaho
kaming magkakapatid ay nagsasabing salamat
sa mga sakripisyo nyo, payo, sa lahat-lahat
di kayo pababayaan, panahon ma'y magluwat
maraming salamat, Ina, marami pong salamat