sumisiklab ang poot
laban sa mapag-imbot,
tuso, buktot, kurakot,
na sa bayan nga'y salot
dukha'y namimilipit
sa sinturong kayhigpit
kaya siklab ng galit
kumakawalang pilit
puspos ng kahirapan
kawalang katarungan
mapang-api't gahaman
tadtad ng kabulukan
pumapatay na lider
animo'y isang Hitler
ang bayan nga'y minarder
ng pinunong pagerper
dapat nang pag-isipan
paano na lalaban
para sa katarungan
at sa kinabukasan
kayraming nangangarap
na hustisya'y malasap
na ginhawa'y mangusap
sa ibabaw ng ulap
panibagong pag-asa
panlipunang hustisya
baguhin ang sistema
isang bagong umaga
kaya makibaka rin
upang tuluyang kamtin
ang adhika't layunin
para sa bansa natin
- gregoriovbituinjr.
* Ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2020, pahina 2