ANG BUHAY KO'Y TINIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ang buhay ko'y tinik sa lalamunan nila
dahil tibak akong mapagmulat sa masa
ang buhay ko'y di rosas na lagi sa saya
pagkat nasa hukay na ang isa kong paa
iwing buhay ko'y tinik sa mga kuhila
pagkat ako'y kumakampi sa manggagawa
ang buhay ko'y di langit na tinitingala
pagkat nagdurusa ring kapiling ng dukha
ang buhay ko'y tinik sa rosas na kaybango
pagkat ang adhika'y lipunang makatao
ang buhay ko'y di pulot pagkat walang tamis
kundi pulos dusa dahil sa pagtitiis
mahirap mabuhay kapag ikaw ay tinik
baka sarili mo na rin ang nabibikig
gayunman, sa laban, dapat maging matinik
upang sa huli, ikaw naman ang manaig