Linggo, Agosto 22, 2021

Kape tayo

KAPE TAYO

aba'y tara, tayo muna'y magkape
habang nagpapahinga ngayong gabi
at mag-usap anong tamang diskarte
sa pagtapal ng butas sa kisame
sapagkat nagbaha na naman dine

magkape habang pinagninilayan
ang mga nakaraang karanasan
pag-usapan ang mga tunggalian
sa pagitan ng unyon at kawatan
at nangyayari sa pamahalaan

dapat na may kongkretong pagsusuri
sa mga usapin at katunggali
bakit sa lipunan, may naghahari
may nagsasamantala't mga uri
kahirapa'y paano mapapawi

salamat sa pagdamay mo sa akin
ngayong gabing utak ko'y pagod na rin
dahil sa kasawiang dapat dinggin
upang lumuwag ang nakahihirin
at malutas na ang alalahanin

- gregoriovbituinjr.
08.22.2021

Sahod-ulan

SAHOD-ULAN

umulan ng malakas kaninang bago maggabi
nagbaha na naman, may butas pa rin sa kisame
kahit inayos na ito ng isang anluwage
kailangan muling maglampaso sa tabi-tabi

subalit sa kusina'y nakapagsahod ng ulan;
anang isang manunulat na aking kaibigan
na namayapa na'y maling tawaging tubig-ulan
dahil tubig na ang ulan, siya'y naunawaan

heto, may naipong sahod-ulan sa palanggana
bagamat pag-ipon nito'y di ko sadyang talaga
naiwan lang ang palanggana matapos maglaba
napuno na pala ng tubig nang aking makita

salamat sa sahod-ulan, mayroong magagamit
di sa pagluto, kundi paglampaso't pagliligpit
ng maraming kasangkapang lilinisin kong saglit
tulad ng baso't pinggan, kubyertos, basahan, damit

ganyan na ang aking gagawin, akin nang sinadya
magsahod-ulan, mag-ipon na ng tubig sa timba
tulong na ito ng kalikasan sa manggagawa
kaya kalikasan ay alagaan nating pawa

- gregoriovbituinjr.
08.22.2021

Ermitanyo

ERMITANYO

kaytagal kong ermitanyo sa puso ko't hinagap
na tanging panitikan ang madalas na kausap
kahit matao sa rali'y bihirang pangungusap
ang sinasabi nitong bibig sa nakakaharap

para bang laging nangangarap sa harap ng masa
bagamat sumisigaw ng panlipunang hustisya
maging karapatang pantao'y inihihiyaw pa
subalit ermitanyong masaya sa pag-iisa

hanggang maging taong opisina, mag-isa pa rin
sa malaking lamesa'y nagsosolo kung kumain
kung anu-anong nasa paligid na'y papaksain
mag-isang lumilikha lalo't di mo kausapin

nasa daigdig ng panitikan ang puso't diwa 
ng ermitanyong itong nais maging manunula
ngunit sadyang makwento basahin mo lang ang katha
napakaraming sinasabi, lagi mang tulala

ganyan ang buhay ng ermitanyo sa opisina
mukhang kuntento't masaya, mukhang walang problema
bagamat may mga nakatagong sugat at dusa
na hanging amihan lang ang madalas makakita

- gregoriovbituinjr.
08.22.2021

Itigil ang demolisyon

ITIGIL ANG DEMOLISYON

nginig na pag narinig ang salitang "demolisyon"
nakakakilabot pag nawalan ng bahay ngayon
ang demolisyon ay giyera, digmaan paglaon
sa maralita, demolisyon ay matinding hamon

sadyang nakakataranta sa aba nilang buhay
pagkat sa demolisyon, isang paa'y nasa hukay
kaya pinaghahandaan ang sagupaang tunay
upang tuluyang ipagtanggol ang kanilang bahay

ngunit daanin muna sa maayos na usapan
dapat makipag-negosasyon sa pamahalaan
upang di matuloy ang demolisyon at digmaan
sa pagitan ng maralita't maykapangyarihan

dahil lalaban bawat maralitang may dignidad
pagkakaisa sa pagkilos ang dapat matupad
sana'y di na humantong pa sa demolisyong hangad
ng nagpapagibang sa dahas ay walang katulad

"Itigil ang demolisyon!" sigaw ng maralita
"Ang tanging nais namin ay buhay na mapayapa!
Ayaw naming maghanda sa pakikipagsagupa! 
Subalit di kami aatras kung hangad n'yo'y digma!"

- gregoriovbituinjr.
08.22.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Kung may dinaramdam

KUNG MAY DINARAMDAM

di ko mabigkas yaong muhing sukat ipagdamdam
di masabi ang mga sugat na dapat maparam
torpe, kimi, mahiyain, aba'y kanilang alam
subalit minsan, pananahimik pa'y mainam

pagkat ayoko ring makasakit ng saloobin
ng aking kapwa, kaaway man siya kung ituring 
ah, mabuti pang sinumang maysala'y patawarin
kung wala namang krimen, nasaktan lang ang damdamin

sakaling dinanas mo'y pagkabigo sa pag-ibig
di mo pa lang nakita ang kahalikan ng bibig
balang araw, si Kupido'y sa iyo rin papanig
makikita mo rin siya't kukulungin sa bisig

kung sinuntok ka ng kaaway mo dahil sa utang
aba'y may utang siya sa iyong pagbabayaran
pag katipan mo'y sinalisihan ng kaibigan
aba'y tiyak na kandila ninyo'y magsosolian

kung sakaling may dinaramdam, subukang magsuri
kung may dinaramdam, paghilumin muna ang muhi
bawat kalutasan kasi'y pagbabakasakali
baka magpahilom lang ay panahon, di madali

kung gaganti'y pag-isipan nang apatnapu't apat
di rin naman madaling magpatawad kung mabigat
yaong pagkakasalang di mo akalaing sukat
isiping may solusyon at katapat din ang lahat

- gregoriovbituinjr.
08.22.2021

Kwentong gasul

KWENTONG GASUL

mula Nobyembre hanggang Hulyo ang itinagal din
ng pininturahan kong gasul dahil kalawangin

pina-refill ko, di pwedeng ipagpalit ang gasul
walang tatak, refill nga lang, di na ako tumutol

kinabukasan pa nang pina-refill ko'y nakuha
limangdaan dalawampu't limang piso'y halaga

sa opis ginamit, walong buwan bago naubos
kaytagal ding nagsilbi sa kagaya kong hikahos

nang naubos na ang pulang gasul, ginamit naman
ang reserbang asul na gasul na pinatago lang

ng isa pang samahang sa inupahan umalis
na gamit ko ngayon, kaysa sa gutom ay magtiis

paumanhin sa samahang iyon at nagamit ko
magkagayunpaman, isang ito'y utang sa inyo

na babayaran din pagdating ng tamang panahon
tanging pasalamat ang paabot sa inyo ngayon

datapwat mauubos na rin ang asul na gasul
may tatak, maipagpapalit ang gasul na asul

ang problema na lang, ang pambili'y saan kukunin
di ko pa nakuha ang salapi sa pagsasalin

di ako nag-aalala, tulad nami'y matatag
nakararaos, anumang problemang nakalatag

pagkat kami'y aktibistang Spartan, mandirigma
nagpapatuloy sa pagkilos, gasul man ang paksa

- gregoriovbituinjr.
08.22.2021