Linggo, Hunyo 1, 2025

Anag-ag at dapat walang gitling sa ika

ANAG-AG AT DAPAT WALANG GITLING SA IKA

ako'y natigilan sa "Malabong liwanag"
tanong yaon sa Tatlumpu't isa Pahalang
sa krosword nitong Pilipino Star Ngayon
pagkat may tatlong sagot na simula ay "A":
salitang ANINAWANINAG, at ANAG-AG

at ANAG-AG ang lumabas na tamang sagot
subalit sa Dalawampu Pahalang naman
bakit may gitling sa "ika-sampung bahagi"
aba'y nakasanayan na ang gayong mali
habang walang matang sa mali'y nagsusuri

bilang makatâ kaya iyon pinapansin
ang "ika" ay isang panlaping kinakabit
sa salitang ugat kaya idinidikit
ito ng walang gitling, at sa balarila
kung numero na saka lalagyan ng gitling

ang wasto ay ikasampu, di ika-sampu
pag numero, ika-10, di ika10
dapat matuto sa paggamit nitong gitling
lalo sa panlaping" ika", tandaan natin
ang mali punahin, ang wasto pairalin

- gregoriovbituinjr.
06.01.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 31, 2025, pahina 11

Sa ika-60ng araw namin sa ospital

SA IKA-60ng ARAW NAMIN SA OSPITAL

Karaniwan ang ikalawang buwan ay itinatapat natin sa petsa ng araw. Tulad nito, Abril 3 kami ni misis nagtungo sa ospital at naadmit siya roon dahil sa stroke. Sa Hunyo 3 ang ikalawang buwan namin sa ospital. Subalit kung bibilangin sa daliri, ang Hunyo 3 ay ika-62 araw.

Kailan, kung gayon, ang ika-60ng araw, kung ang bawat buwan ay binibilang ng 30 araw, na tila tulad sa bilang ng araw sa pasahod? Bagamat batid nating sa isang taon, pag di leap year, pitong buwan ang may 31 araw, apat na buwan ang may 30 araw, at ang Pebrero ay 28 araw.

Kung ika-62 araw ang Hunyo 3 minus 2, Hunyo 1 ang ika-60ng araw. 

Ginawan ko ng pormula ang bilang ng araw sa Abril. Kasama sa bilang ang Abril 3, kaya hindi Abril 30 minus Abril 3 ang pagbibilang. Kundi dapat Abril 30 minus Abril 2. Subalit hindi kaagad natin maiisip ito kung hindi natin titiyakin sa pagbilang sa daliri. Kaya ginawan ko ito ng pormula na madaling matandaan. Ito ang pormula:

(x - y) + 1 = n

Given:
x = huling araw ng buwan
y = araw ng pagpasok sa ospital

(30 - 3) + 1 = n
27 + 1 = 28 araw

Abril = 28 araw
Mayo = 31 araw
Hunyo = 1 araw

Total = 60 araw

Oo, animnapung araw. Ganyan na kami katagal sa ospital. Animo'y nakatira na kami rito ng halos dalawang buwan. Matagal pa ang gamutan. Araw-araw ang pagtungo ng physical therapist, at ng occupational therapist niya. At wala pang araw ng discharge.

Nito lang nakaraang tatlong araw - Mayo 29, 30, at 31, ay tatlong beses siyang nagpa-ultrasound. Ang dalawa'y sa tiyan, at kagabi'y sa vagina na request ng kanyang obgyne, dahil malakas ang pagdurugo niya o mens.

SA IKA-60ng ARAW NAMIN SA OSPITAL

narito pa rin kami sa ospital
animnapung araw, ganyan katagal
hanggang ngayon, ako'y natitigagal
paggaling niya ang lagi kong usal
babayara'y pamahal nang pamahal

sa gabi'y di makatulog, iidlip
lamang dahil antok na'y nahahagip
gayunman, may pag-asang nasisilip
gagaling din siya, huwag mainip
ito ang madalas kong nalilirip

mahalaga'y buhay si misis, buhay!
sa mga doktor at nars, pagpupugay!
sa nag-ambag sa gastusin, mabuhay!
sa nagdasal, sa lahat, taos-pugay!
hindi kayo malilimutang tunay!

- gregoriovbituinjr.
06.01.2025