HIMUTOK SA PIITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
minsan isang hapon, ako'y dumalaw sa kulungan
dinig ko ang himutok ng isang nasa piitan:
"di lahat ng nahahatulan ay may kasalanan
di lahat ng may kasalanan ay nahahatulan"
marahil ang sinabi niya'y may katotohanan
dahil kitang-kita niya ang mga katunayan
para sa pamilyang sinakbibi ng kagutuman
nagnakaw ng kilong bigas kaya nasa piitan
yaong milyones ang ninakaw sa kaban ng bayan
ay nakangising kapit-tuko pa sa katungkulan
ikinulong pati ang nagtatanggol sa tahanan
pagkat teroristang demolisyon ay nilabanan
bilanggong mayaman ay labas-masok sa kulungan
ngunit di ang mahihirap kahit may karamdaman
kahit sa usapin ng hustisya'y may tunggalian
dukha'y nabubulok, nakalalaya ang mayaman
pag-uwi ko'y nakatatak pa sa aking isipan
yaong ibinubulong ng isang nasa piitan:
"di lahat ng nahahatulan ay may kasalanan
di lahat ng may kasalanan ay nahahatulan"