Miyerkules, Nobyembre 3, 2021

Puso

PUSO

dinig mo rin ba ang atas ng pusong umiibig
upang mga kutya't linggatong ay iyong madaig
di ba't pag-ibig ang sanhi kung bakit pumipintig
ang iwing pusong sa lamig man ay di palulupig

kung ako'y agila, liliparin ang himpapawid
upang matanaw ang mga baluktot at matuwid
kung ako'y pating, sa kailaliman ay sisisid
upang mga perlas sa inyo'y aking maihatid

ani Balagtas, pag-ibig nga'y makapangyarihan
na pag iyon daw ay pumasok sa puso ninuman
ay hahamakin ang lahat, upang masunod lamang
ang damdaming tunay at talagang ipaglalaban

kaya nang diwata'y makita, agad natulala
di makausap ang nagulumihanang binata
habang ang taludtod at saknong ng abang makata
ay pumipintig na puso sa saliw ng haraya

- gregoriovbituinjr.
11.03.2021

Emosyon

EMOSYON

madalas, naroon akong animo'y nakikinig
sa mga usapang tila sa puso'y nang-uusig
mabuti pang talakayin ang pusong umiibig
kaysa mga usapang ang puso mo'y manginginig

oo nga't nilalayuan ko ang mga emosyon
ayokong makaramdam ng iyakang bumabaon
sa kaibuturan na di na ako makabangon
baka walang makapitan ay mahulog sa balon

sisisirin ko man ang malalim na karagatan
o tatawirin ang pito o walong kabundukan
lahat ay gagawin, huwag lang usapang iyakan
aba'y asahan mo agad iyon ay iiwasan

baka di makatulog, madala sa panaginip
at sa mga gagawin, sa puso na'y halukipkip
matapilok pa sa daan dahil sa kaiisip
mga kataga'y di mabigkas, walang kahulilip

pinatigas man ng karanasan ang pusong bato
subalit sa sermon at luha'y lumalayo ako
iyan nga ang sa kalooban ko'y dumi-demonyo
di maharap ang emosyon, buti pa ang delubyo

mababaw ba ang luha kong basta na lang iiyak
na sa biruan man ay di basta mapahalakhak
subalit hindi, handa akong gapangin ang lusak
upang kapwa'y maipagtanggol at di mapahamak

kung ako'y luluha, tiyak itatago lang iyon
kahit sa harapan ako'y tila astig na maton
pag may nakakaiyak, asahang lalayo roon
upang di basta bumagsak at agad makabangon

- gregoriovbituinjr.
11.03.2021

Ang di lumingon

ANG DI LUMINGON

nang bata pa ako'y / aking natutunan
ang isang kayganda / nating kasabihan:
"Yaong di lumingon / sa pinanggalingan, 
di makararating / sa paroroonan."

anong kahulugan / ng tinurang ito
ng mga ninuno, / pamanang totoo
na bilin sa atin / ay magpakatao
lingunin ang sanhi / ng pagiging tao

isipin mong lagi / saan ka nagmula
kung galing sa hirap / ay magpakumbaba
makisamang husay / sa kapwa mo dukha
lalo't naranasan / ang pagdaralita

kung sakali namang / ikaw na'y yumaman
dahil sa sariling / sikap ng katawan
minsan, lingunin mo / yaong nakaraan
at baka mayroong / dapat kang tulungan

yaong nakalipas / ay ating lingunin
at pasalamatan / silang gabay natin
tulad ng kawayang / yumukod sa hangin
lalo't pupuntahan / ay ating narating

- gregoriovbituinjr.
11.03.2021