Biyernes, Marso 6, 2015

Kaibhan ng ibon at isda

KAIBHAN NG IBON AT ISDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

I

lumilipad ang ibon / doon sa himpapawid
habang ang mga isda'y / sa dagat sumisisid
magkaibang nilalang, / magkaibang  paligid
galaw nilang dalawa'y / atin din namang batid

ngunit nais ng isang / pamunuan ang isa
ang una'y maging amo, / alipin ang ikalwa
magkaibang paraan / sa buhay at pagsinta
magkaiba ng uri / at kinalakhan sila

paanong ang agila'y / mamumuno sa mundô
kung ang karagatan nga'y / di niya mapayukô
lalo na ang balyena, / dagat ay walang punò
sa ibong lumilipad, / siya'y nasisiphayò

ibon ay paano bang / mamumuno sa isda
gayong kanilang uri'y / magkaiba ngang sadya
di maaring magsama / ang ibon at ang isda
paano magniniig / ang dalawang nilikha

II

nais ng elitistang / pamunuan ang dukha
at ng kapitalista / ang mga manggagawa
magkaiba ng uri / magkaibang nilikha
sinong karapat-dapat / na mamuno sa madla

kongresista't senador / ay pawang mayayaman
batas para sa dukha'y / ginagawa raw naman
ngunit laban sa dukha / yaong kinalabasan
nitong kayraming batas / na anti-mamamayan

pangulong elitista'y / nagtatago sa muog
ang hukumang pananggol / ano't binabantayog
karapatan ng madla'y / bakit ba lasug-lasog
sa kalagayang ito'y / kailan mauuntog

kung magkaibang uri / itong ibon at isda
di lalo ang burgesya't / ang mga manggagawa
pawiin ang burgesyang / sa manggagawa'y sumpa
kung nais na ang mundo'y / di na mapariwara