Lunes, Setyembre 17, 2012

Unang Pagtatasa


UNANG PAGTATASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

sa isang balkonahe'y nagtalakayan
anong naranasan, anong pakiramdam
sa unang araw sa bansa ng dayuhan
inquitive at cognitive ang salalayan
ekspektasyo’t hamon ay pinag-usapan
bawat isa sa ami'y nagbahaginan
ng aming impresyon at inaasahan
isang bagay na sadyang makasaysayan

- sa isang upuan sa labas, Phan Nu Hotel sa Mae Sot, bandang ikasampu ng gabi, Setyembre 16, 2012

Kumustahan sa Tanggapan

KUMUSTAHAN SA TANGGAPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nagkumustahan kami ng mga kasama
nagtagpo ang mga Pinoy at taga-Burma
doon sa kanilang magandang opisina
nagpalitan ng kuro-kuro bawat isa

sa apat na Pinoy, tatlo'y isang partido
at ibang partido ang pinanggalingan ko
gayunman, nagkakaisa kaming totoo
kalayaan ng Burma yaong aming gusto

nagbahaginan kami't di balitaktakan
bawat isa'y iba't iba ang karanasan
na ang mahalaga'y pagkakaunawaan
sa pakikibaka tungo sa kalayaan

salamat sa binigay na pagkakataon
di ito masasayang, pangako ko iyon
para sa katarungan ay magrebolusyon
nang makamit ang kalayaang nilalayon

- sa tanggapan ng partido, bandang ikapito ng gabi

Apat na Malong

APAT NA MALONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

apat na malong yaong pagkagaganda
halaga’y nobentang baht ang bawat isa
may panregalo na sa mahal kong ina
sa dalawa kong kapatid at sa sinta

tiyak kong matutuwa ang aking ate
at isa ko pang kapatid na babae
lalo na si Ina sa akin ay swerte
at sa sinta't tinatanging binibini

mahahalagang babae sa buhay ko
kung bakit nga ba ngayon ako nga'y ako
kahit ba mumurahin lang ang regalo
ang mahalaga'y mula sa puso ito

aking Ina, mga kapatid, at sinta
kayo'y lalagi sa aking alaala
sana’y manatil kayong malakas pa
at tumagal pa ang ating pagsasama

- sinulat pagkagaling sa palengke sa Mae Sot, sa Rm 3202 ng Phan Nu Hotel, Setyembre 16, 2012

Larawan ng Kawalang Malay


LARAWAN NG KAWALANG MALAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

maraming iginuhit na larawan
na nakadispley doon sa restoran
sa Mae Sot na "Casa Mia" ang ngalan
larawang proyekto ng kabataan

bawat larawan ay nakakwadro pa
proyektong kanilang ibinebenta
pag bumili ka'y malaking tulong na
upang talento'y pag-ibayuhin pa

larawang tagos sa puso’t isipan
na proyekto ng mga kabataan
nilalarawan yaong kinagisnan
at pinapangarap na kalayaan

paglayang kanilang pinapanaghoy
sa hangganang ang puso’y umaapoy
pangarap nila’y dapat magpatuloy
at di dapat mabaon sa kumunoy

- sa kainang Casa Mia, habang tinitingnan ang proyektong "The Thai-Burmese Border Children Arts Project", matapos mananghalian, Setyembre 16, 2012

Panibagong Hamon

PANIBAGONG HAMON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hanggang Mae Sot lang kami, doon sa hangganan
ng Burma't Thailand, bagamat hanggang doon lang
pinapangarap ko ring Burma'y mapuntahan
at sumamang makibaka sa kalayaan
sa hangarin nilang hustisyang panlipunan

may maibabahagi ang tibak tulad ko
gaya ni Che Guevara na isang idolo
at isang internasyunalistang totoo
nawa'y may maitutulong nga kami rito
kundi mga salita'y kahit ang buhay ko

aktibista kaming para sa katarungan
para sa pagpapalaya ng ibang bayan
para rin sa hustisya sa kababaihan
magkasamang ipaglaban ang karapatan
magturingang magkapatid sa daigdigan

- Rm 3202, sa Phan Nu Hotel sa Mae Sot
Setyembre 16, 2012