Sabado, Agosto 30, 2025

'Ghost' projects at 'Hungry Ghosts' sa 'Ghost' month

'GHOST' PROJECTS AT 'HUNGRY GHOSTS' SA 'GHOST' MONTH

kayraming 'ghost' projects ang lumitaw sa ghost month
tulad ba'y 'ghost' flood control ng katiwalian?
kawawa ang bayan sa proyektong nagmulto
diyan ba napunta ang buwis ng bayan ko?

mukhang gutom na gutom ang mga 'hungry ghost'
kaya panay ang kanilang pangungurakot
sakmal ng kahayukan nila't kagutuman
ay nagpapakabundat sa kaban ng bayan!

may proyekto sa papel ngunit wala pala
sa totoong buhay, kinuha lang ang pera
ng bayan, ibinulsa ng mga tiwali
nilimas nila, mamamayan ang nagapi

ngayong Agosto, anong gusto mo, kapatid?
may flood control project ngunit baha ang hatid
mga tiwali'y nakapanggagalaiti
imbes na bayan, inisip nila'y sarili

serbisyo para sa bayan, naging negosyo
utak ng tusong negosyante't pulitiko
sa gobyerno'y sinong kanilang kasapakat?
managot sa bayan ang mga nangulimbat!

- gregoriovbituinjr.
08.30.2025

* litrato mula sa pahayagang Bulgar at Pilipino Star Ngayon, at sa ABS-CBN FB page

SMARTER na pagpaplano

SMARTER NA PAGPAPLANO

Specific - tiyak ang plano, detalyado
Measurable - nasukat kung kayang matupad
Attainable - kayang abutin ang adhika
Realistic - makatotohanan sa gawa
Time-bound - kayang gawin sa panahong tinakda
Evaluate - pagtatasa ng mga nagawa
Reward - natamong tagumpay ang gantimpala

Siguraduhing plano'y tapat sa layunin
Magkaisa ang pamunua't myembro natin
Aktibidad ay sama-sama nating gawin
Reklamo'y sinusuri't agad lulutasin
Tutok sa detalye't pinag-usapang sadya
Ebalwasyon sa kalagaya'y ginagawa
Respeto't makipagkapwa'y di nawawala

- gregoriovbituinjr.
08.27.2025

* litrato mula sa google