Martes, Hulyo 6, 2010

Hubad na Bundok

HUBAD NA BUNDOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

tanaw sa malayo ang kanyang kahubdan
hindi na matanaw ang kanyang kariktan
tanging nakikita'y ang pinagputulan
ang kahubdang ito'y kailan dadamtan

sibak dito, sibak doon ang nangyari
pinagtatagpas pa'y punong kaylalaki
kinalbo ang bundok, wala nang nalabi
kahit ibong dati'y dito humuhuni

walang mawawala kung tayo'y sumubok
kung ating dadamtan ang hubad na bundok
ngunit kapag puno'y lumago sa tuktok
huwag pabayaan sa mga dayukdok

mga salanggapang sa tubo'y biguin
tiyaking bundok na'y hindi wawasakin
tayo na’y magtanim, ating palaguin
ang hubad na bundok ay damitan natin

Tirang Gambito

TIRANG GAMBITO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pagsulong ng pyesa’y di basta-basta
pinag-iisipan ang bawat tira
ano kayang dito’y tamang taktika
upang makain ang maraming pyesa

paramihan ba ng pyesang nakain
sa ahedres ay ultimong layunin
bawat tira’y pag-isipang malalim
paanong pagmate’y maging matalim

maaring pyesa mo’y isakripisyo
nang makuha ang matatag na pwesto
pag-isipan mong itira’y gambito
bilang panlalansi sa kalaban mo

ahedres ay parang larong digmaan
sa bawat sulong ay naglalansihan
kaya ang utak mo’y talas-talasan
bago ka mamate ng madalian

mga gambito’y malupit na tira
mag-ingat at huwag basta padala
nagkukunwaring mali ang tinira
iyon pala’y mahusay na taktika

sa tunay mang buhay merong gambito
kilalanin mo ang gumawa nito
mga taktika nila’y suriin mo
kung ayaw mong ikaw ay madehado