PAALALA SA PINTUAN
naroon ang paalala sa pinto
kung hihilahin ba o itutulak
Ingles muna, sunod ay Filipino
Hapon o Tsino't Koreanong sulat
isa'y "Pull the Door" kung nais pumasok
isa'y "Push the Door" kung nais lumabas
iinom doon ng kapeng mausok
o kung nais mo'y masarap na gatas
sa isang mall sa Cubao ko nakita
kaya kinodakan ko ito agad
upang maitula ko kapagdaka
nahalina sa simbolo't panulat
kulang ng panulat Baybayin natin
na magandang dito'y isamang sadya
dapat ay may katutubong Baybayin
subalit sinong magpapasimula?
- gregoriovbituinjr.
09.28.2024