Miyerkules, Enero 26, 2022

Paglisan

PAGLISAN

"He who has gone, so we but cherish his memory, abides with us, more potent, nay, more present than the living man."
— Antoine de Saint Éxupéry

ililibing lang ba sa limot ang mga kataga
ng wala sa toreng garing na mga manunula
hindi, kaya marapat lamang sila'y malathala
lalo ang pinagsikapang tula nilang kinatha

mga tinta man ay nagmistulang luha sa papel
taludtod ma'y humahagulgol ay di nagtataksil
tahimik man ang makata'y lubha namang matabil
dahil sa mga obra niyang walang makapigil

pagkat di mamamatay ang kanyang obra maestra
na tulad ni Balagtas na may Florante at Laura
katha ng makatang Benigno Ramos, Abadilla,
Collantes, Teo Baylen, Huseng Batute't iba pa

ang makata'y lumabas man sa pintuan ng buhay
at mga nagmamahal ay sinakbibi ng lumbay
mga naiwan niyang akda'y pamana't patnubay
sa sunod na salinlahi'y matuturing na gabay

mabuhay kayo, makata ng bayang tinubuan
ako'y nagpupugay sa inyo, higit kaninuman
nais ko lang sabihin, isang tagay naman diyan
at sa ating pagtula, halina't magtalakayan

- gregoriovbituinjr.
01.26.2022

Magkaibang hustisya

MAGKAIBANG HUSTISYA

"At ang hustisya ay para lang sa mayaman."
- mula sa awiting Tatsulok ng grupong Buklod

bigla akong nakakatha ng isang kawikaan
kung ano ang katarungan doon sa aming bayan:
"pinipiit ang matandang lublob sa karukhaan
kinaaawaan ang mayamang makasalanan"

ganyan ang nangyari sa balita ngayong Enero
matandang edad otsenta'y agad nakalaboso
nang nagnakaw umano ng manggang may sampung kilo
habang donyang guilty sa graft ay malayang totoo

dito nga'y kitang-kita ang magkaibang hustisya
ibang hustisya sa dukha, iba ang sa may pera
na katotohanang tatak ng bulok na sistema
kaya tama lang ang pasya kong maging aktibista

na adhikang wakasan ang pribadong pag-aari
na layuning ibagsak ang burgesyang naghahari
na misyong durugin ang mapang-api, hari't pari
na hangad ay itayo ang lipunang walang uri

ang nangyaring ito'y isang tunay na halimbawa 
na dapat mabatid ng masa't mayoryang dalita
magkaisang baguhin ang sistemang walanghiya
at lipunang makatao'y maitayo ng dukha

- gregoriovbituinjr.
01.26.2022

Angkas

ANGKAS

madalas, inaangkasan lang natin ang patawa
ng kaibigang kalog o ng simpleng kakilala
basta huwag 'below-the-belt' o nakasisira na
sa ating pagkatao o sa dignidad ng kapwa

maraming riding-in-tandem ang gumawa ng krimen
ang angkas ang madalas bumira't siyang asasin
dapat may katarungan at mahuli ang salarin
hustisyang panlipunan ang marapat pairalin

manggagawa ang motor ng pambansang ekonomya
sapagkat di uunlad ang bansa kung wala sila
di lamang sila simpleng angkas sa kapitalista
sila na ang nagmomotor, sila pa ang makina

minsan, sa kanyang motorsiklo ako'y angkas agad
nang marating namin ang pupuntahang aktibidad
nang isyung pangmasa'y malinaw naming mailahad
nang kabulukan ng sistema'y aming mailantad

- gregoriovbituinjr.
01.26.2022