Linggo, Setyembre 20, 2020

Liham

sinta ko't aking katalamitam
natanggap mo ba ang aking liham
sa iyo'y nais kong ipaalam
ang tulang nilikha kong kay-inam

kung hindi pa'y bakit magdaramdam
ang pusong pagsinta'y di maparam
baka sa koreo pa'y nabalam
ngunit ako'y walang agam-agam

sana sa koreo'y di masamsam
sino bang sa tula ko'y kakamkam
nagmamakata kahit di paham
sana tula ko'y di mauuyam

tula'y tunghayan mo'y aking asam
tulang pag binasa'y kaylinamnam
tulang sa tamis ay nilalanggam
kung mainit man ay maligamgam

- gregoriovbituinjr.

Basura

masdan mo't kayrami pa ring nagtatapon sa kalye
wala bang naninita kaya sila'y nawiwili?
kung di mo kayang maglinis, huwag ka nang magdumi
di ba't ganitong panuntunan ay napakasimple?

itapon mo ang basura mo sa tamang tapunan
ibulsa muna kung walang makitang basurahan
di ba't ang mundo o bansang ito'y ating tahanan?
bakit mo naaatim na tahanan mo'y dumihan?

bakit simpleng disiplina'y di mo pa rin magawa
para kang dagang anong saya nang wala ang pusa
subukan mo kayang maging magandang halimbawa
na mga basura mo'y binubukod mo pang tama

ang nabubulok sa hindi'y iyong paghiwalayin
maeekobrik mo pa ang plastik na iipunin
ang papel ay maaaring ibenta't kikita rin
nabubulok ay ibaon sa lupa't pataba rin

iresiklo mo ang basurang kayang maresiklo
may karatula pa ngang "Basura mo, linisin mo!"
at mayroon ding paalalang "Tapat ko, linis ko!"
mga simpleng payo lamang ito't kayang kaya mo

- gregoriovbituinjr.