Biyernes, Abril 30, 2021

Manggagawa't maralita sa Mayo Uno

MANGGAGAWA'T MARALITA SA MAYO UNO

handa rin ang maralitang samahan ang obrero
sa Daigdigang Araw ng Paggawa, Mayo Uno
sapagkat sila'y magkauri sa lipunang ito
silang pawang mga walang pag-aaring pribado

mabuhay ang uring manggagawa at maralita
magkasamang naninindigan upang makalaya
mula sa pang-aapi't pagsasamantalang sadya
ng uring burgesya, ng kapitalista't kuhila

ang mga bituka nila'y tunay na magkarugtong
kaya magkasangga sa labanan, di umuurong
prinsipyo'y tinatanganan kahit saan humantong
binabaka, ani Balagtas, ang kutya't linggatong

tara, sa Mayo Uno'y halinang magkapitbisig
at ating iparinig ang nagkakaisang tinig
ng manggagawa, na kapitalismo'y inuusig
alam nating marami riyan ang handang makinig

- gregoriovbituinjr.04.30.2021

Hirit sa huling araw ng Buwan ng Panitikan

sa Buwan ng Panitikan, tayo nga'y naging saksi
sa dalawang linggong lockdown na sa atin nangyari
sumulpot din ang Maginhawa community pantry
hanggang ginaya ng iba kaya ito dumami

ang buwan ng Abril ay talagang masalimuot
lalo't community pantry'y kayganda ng dinulot
kahit tinawag na ignorante ng punong buktot
ang nagpasimula nito'y huwag tayong matakot

kaya bilang pagtatanggol, kayrami kong kinatha
at binigkis ang mga salita sa kwento't tula
habang nagsasaliksik ng mga isyu't balita
upang sumalamin sa mga kinakathang akda

ang hirit ko'y suportahan ang community pantry
kahit saan man tayo naroroong community
sapagkat pagbabayanihan ay di ignorante
na tulad ng patutsada ng pangulong salbahe

kaisa ako upang panitika'y paunlarin
habang sinusulong ang pagbabayanihan natin
dapat mga mangingisda'y suportahan din natin
pati na magsasakang lumilikha ng pagkain

kaya sa huling araw ng Buwan ng Panitikan
at bisperas ng Mayo Uno sa sandaigdigan
hirit ko'y ituloy natin ang pagbabayanihan,
pagbibigayan, pagdadamayan, pagtutulungan

- gregoriovbituinjr.04.30.2021

* Ang Abril ay Buwan ng Panitikang Filipino, sa bisa ng Proklamasyon Blg. 968, s. 2015

Pagpupugay sa bayaning midwife


PAGPUPUGAY SA BAYANING MIDWIFE

Lea Barro Blacer, ngalan ng midwife na bayani
sinaklolohan ang inang nanganak sa kalsada
kapuri-puri ang ginawa, maraming sumaksi
tinulungan din ang sanggol na di na humihinga

pinalo raw sa puwit, at maya-maya'y umuha
hanggang ang mag-ina'y itinakbo na sa ospital
buti't nasaklolohan agad, ayon sa balita
kundi baka lumala ang nangyari kung magtagal

maraming salamat, Lea Barro Blacer, sa iyo
na dapat lamang gawin sa ganoong pangyayari
salamat, tinupad mo ang tungKulin at misyon mo
tunay na widwife na sa kapwa't bayan ay nagsilbi

ang bayaning midwife ay nakapagligtas ng buhay
maraming salamat, sa kanya kami'y nagpupugay!

- gregoriovbituinjr.

Mabuhay ka, kasama

MABUHAY KA, KASAMA

mabuhay ka, kasama, kami'y saludo sa iyo
dahil sa kusa mong pagtulong sa uring obrero
lalo na sa paghahanda para sa Mayo Uno
nariyan kang kasamang nakikibakang totoo

nagtanong ka kung bakit may mahirap at mayaman
bakit may inaapi't pinagsasamantalahan
hanggang kasama sa iyo'y nagpaliwanag naman
hanggang laban ng obrero'y atin nang sinamahan

maraming salamat, kasama, maraming salamat
at katuwang ka namin sa gawaing pagmumulat
kasamang tunay, kaagapay, sa yaman ma'y salat
upang asam na pagbabago'y masagawang sukat

taas-kamaong nagpupugay sa iyo, kasama
sana tulad mong nakakaunawa'y dumami pa
sama-samang sumulong at baguhin ang sistema
upang makataong lipunan ay kamtin talaga

- gregoriovbituinjr.

Soneto para sa Mayo Uno 2021

SONETO PARA SA MAYO UNO 2021

kaisa ang obrero di lang tuwing Mayo Uno
kundi sa araw-araw na pakikibaka nito
upang itayo ang isang lipunang makatao
habang tangan ang kanilang layunin at prinsipyo

ako'y maralita mang sakbibi ng karukhaan
ay laging nagsisikap para sa prinsipyong tangan
kasama ng uring manggagawang naninindigan
tungo sa inaasam na makataong lipunan

mabuhay ang manggagawa, hukbong mapagpalaya
lantay ang paninindigan, dumaan man ang sigwa
naririto kaming nakikibaka't laging handa
upang pagkaisahin ang bayan at manggagawa

at sa Mayo Uno, susumpa muling maging tapat
sa prinsipyo't patuloy na gawaing pagmumulat

- gregoriovbituinjr.04.30.21

Hindi ignorante ang nasa community pantry

HINDI IGNORANTE ANG NASA COMMUNITY PANTRY

puso'y naghihimagsik sa sinabi ni Duterte
na nasa community pantry'y pawang ignorante
ngunit kabu-angan niya'y atin bang masisisi
pangulong di na alam kung anong makabubuti

di na malaman kung saan kukuha ng ayuda
nadamang community pantry'y sumapaw sa kanya
di na maaming palpak ang pamamahala niya
ah, pinagpapasensyahan na lang siya ng masa

datapwat pinagtanggol ng masa ang bayanihan
community pantry'y pagdadamayan at tulungan
nagsisulputan dahil palpak ang pamahalaan
kaya kusang nagsikilos ang mga mamamayan

sa ayuda'y ubos na raw ang pondo ng gobyerno
pero sa N.T.F.-ElCac, bilyon-bilyon ang pondo
nariyang mahigit labingsiyam na bilyong piso
na dapat pondong ito'y gawing ayuda sa tao

nakakalungkot, ani Patreng, sa isang panayam
na mismong pangulo ng bansa pa ang nang-uuyam
sa bayaniha't pagdadamayan ng mamamayan
ngunit binabalewala lang ng pangulong bu-ang

pinagpapasensyahan na lang natin si Duterte
sa kanyang pagbabatikos sa community pantry
binabalewala siya't magtatapos na kasi
ang rehimeng itong turing sa masa'y ignorante

dahil kung tayo'y mapipikon, bubugso ang galit
patatalsikin si Duterteng nawalan ng bait
at makataong lipunan na'y ating igigiit
at matitinong pinuno ang ating ipapalit

- gregoriovbituinjr.