Sabado, Nobyembre 8, 2014

Pahimakas sa nangawala

PAHIMAKAS SA NANGAWALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pagkawala ninyo'y di dapat mapunta sa wala
may dapat magawa kaming narito pa sa lupa
di sapat magpatuloy lang ang pagtulo ng luha
dapat singilin, pagbayarin ang mga maysala

nagbabago na ang klima, debate ng debate
kayraming namatay, sa debate'y anong nangyari
nangwasak si Yolanda, bakit timpi pa ng timpi
iyang katanghalian ba'y mananatiling gabi

tinatamaan ng delubyo'y bansang nagsasalat
mga maralita't manggagawa ang inaalat
may ginagawa man tayo ngunit ito'y di sapat
dapat ang magtulungan ay lahat ng bansa, lahat

sa inyong nangawala, di kami nakalilimot
pagkat sisingilin namin ang maysala sa gusot
pagbabayarin namin ang maygawa ng hilakbot
hustisya'y dapat kamtin, singilin ang mapag-imbot

nangyari sa inyo'y patuloy na didibdibin
nakasalalay din ang kinabukasan namin
kung tutunganga lang kami't sila'y di sisingilin
pag nagkita tayo sa langit, kami'y sisisihin

sigaw namin, Climate justice, Now! hustisyang pangklima!
mamamayan, kumilos, Climate Justice Now! tayo na!
ipagpatuloy ang nasimulang pakikibaka
sa mga biglang namapayapa, Hustisya! Hustisya!

- sa Tacloban, matapos ang konsyerto sa City Hall, isa sa kumanta si Kitchie Nadal, Nobyembre 8, 2014, unang anibersaryo ng Yolanda

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Libingang Masa sa Tacloban

LIBINGANG MASA SA TACLOBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kahindik-hindik, nakawawarat ng puso
ang dama kapag libingang masa'y tinungo
animo'y ramdam ang hikbi nila't hingalo
sa ragasang dumatal at biglang lumayo

katulad ba nila'y Gomorang isinumpa
o sa lugar nila'y nakaamba nang sadya
yaong pagdatal ng rimarim, nagbabanta
o klima'y nagbago't tayo'y walang kawala

sinong maysala sa buhay na napabaón
iyang climate change ba'y nauuso lang ngayon
may dapat bang managot sa nangyaring iyon
paano ba di na mauulit ang gayon

libingang masa'y paano ilalarawan
nang hindi manginginig ang iyong kalamnan
sadyang kaysakit ng biglaang kamatayan
ng mahal sa buhay, sa puso at isipan

- sa Libingang Masa (mass grave) ng mga namatay sa bagyong Yolanda, Holy Cross Memorial Garden, Lungsod ng Tacloban, Nobyembre 8, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.

Ang barko sa Anibong

ANG BARKO SA ANIBONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may mga barkong sumadsad sa kalupaan 
noong kasagsagan ng kaytinding Yolanda
isa na roon yaong barko sa Anibong 
MV Eva Jocelyn na nasa Tacloban
doon sa lungsod, sa kabahayan ng masa
patunay kung gaano katindi ang unos 
na sa buong kalunsuran ay sumalubong
na sa buong lalawigan ay nanalasa
na sumalanta sa laksa-laksang palayan
na sumira sa kayraming mga tahanan
na dahilan ng pagkamatay ng marami
na ito'y patunay ng nagbabagong klima
na tayo'y may dapat gawin, nang di maulit
ang nangyari nang si Yolanda'y nanalasa
na tayo'y dapat kumilos, at maging handa
na dapat nating paghandaan ang anumang
unos, delubyo, iba't ibang kalamidad
na may dapat singilin, dapat pagbayarin
na Climate Justice nga'y talagang kailangan
na ang Climate Walk ay panimula pa lamang

- sa pagtahak sa Brgy. Anibong sa Lungsod ng Tacloban, Nobyembre 8, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Paglalakad ng nakayapak sa kahabaan ng San Juanico Bridge

PAGLALAKAD NG NAKAYAPAK SA KAHABAAN NG SAN JUANICO BRIDGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

usapan iyon, nakayapak naming tatahakin
ang mahabang San Juanico Bridge, aming dadamhin
ang bawat pintig ng mga danas at daranasin
ng iba pang yapak na may akibat na mithiin
para sa kapwa, pamilya, bayan, daigdig natin

masayang nilakad ang tulay ng San Juanico
higit iyong dalawa't kalahating kilometro
habang inaawit ang Climate Song na 'Tayo Tayo'
sa ilalim, ang tubig ay animo'y ipuipo
higop ay kaylakas, tila ba kaytinding delubyo

masakit sa talampakan ang magaspang na lupa
natutusok ang kalamnan, animo'y hinihiwa
iyon ang tulay na nagdugtong-tulong noong sigwa
kinaya naming tahakin, animo'y balewala
lalo't sa puso'y akibat ang mabunying adhika

nilakad naming nakayapak ang tulay na iyon
sama-samang ipinadama ang partisipasyon
bilang handog sa bayang nasa rehabilitasyon
bilang alay sa puso't diwang nangawala roon
bilang pahayag na tayo'y may dapat gawin ngayon
bilang pahayag na tayo'y dapat kumilos ngayon

- Tacloban, Nobyembre 8, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.

Sa Basey, Lakad sa Madaling Araw

SA BASEY, LAKAD SA MADALING ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ikalawa ng madaling araw, gising na lahat
handang maglakad kahit araw ay di pa sumikat
tila araw iyong ang damdami'y di madalumat
tila huling araw ng sakripisyong di masukat

sa relo'y ikalawa't kalahati, handang handa
ang lahat, na kaysasaya't tunay ngang kaysisigla
huling araw ng Climate Walk, papatak ba ang luha
ang tiyak, ang Climate Justice ay dadalhing panata

inayos na ang bulto, core Climate Walkers sa una
ang mga banner ng Climate Walk ay tangan na nila
bandila, sunod ang banner na dilaw, asul, pula
sa mahabang streamer ang marami'y nakatoka

madilim, ngunit naglakad na ng madaling araw
sementeryo'y dinaanan nang may tanglaw na ilaw
kilabot sa dilim ang animo'y nangingibabaw
kilabot ang lamig na sa balat nga'y sumisingaw

higit tatlong oras naglakad, hanggang matanaw rin
ang tulay, isa't isa'y sabik, kayhirap pigilin
narito na tayo sa tulay, atin nang lakarin
hanggang araw ay sumikat, araw ng adhikain

- Basey, Samar, Nobyembre 8, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda